ni Tope Ilagan @Feature | Nov. 9, 2024
Ang Marikina ay tinaguriang “Shoe Capital of the Philippines”, subalit higit pa r'yan ang ating bayang kinalakihan.
Maglakad ka man sa kahit saang kalye ng Lungsod ng Marikina, alam mo sa sarili mo na nasa Marikina ka na agad. Ang mga kalye ng Quezon City at Maynila, hindi mo alam kung saan nag-uumpisa at nagtatapos. Ang Ortigas, konti na lang, akala mo nasa Makati o BGC ka na.
Sa tagal nating namumuhay sa Marikina, ilang field trips na ang napuntahan at talagang makikita ang ganda at husay ng mga produktong Marikina. Ang mga negosyo sa paggawa ng sapatos na minana pa mula sa mga lolo't lola, para nating nasasaksihan ang galing sa paglikha ni Juan Luna, na kung saan, bawat sapatos, bagama’t pares ay isang Spolarium. Isang obra na matibay, matatag, abot-kaya at panlaban sa mga gawang Paris o Milan.
Ito ang isang bagay na hindi dapat matigil ipakita hindi lamang sa ibang bansa kundi pati sa bawat Pilipino para maunawaan na ang paggawa ng sapatos ay 'di lamang negosyo o industriya, ito'y isang sining sa museong hindi naluluma.
Bakit nga ba espesyal ang Marikina? Tiyak na may mga magsasabi na ang Marikenyo at Marikenya ang nagbibigay-kulay sa lungsod. Kahit ilang bagyo o pag-apaw ng Tumana ang dumaan sa isang taon, makikita pa rin ang mga tao na kayang ngumiti at higit sa lahat, tumulong sa kanilang kapitbahay.
Hindi naman araw-araw ay may unos o pagsubok na kinakaharap ang lungsod, para sa mga residenteng malapit sa Marikina River Park, napakaganda ng nasisilayan ditong paglubog ng araw. Makikita sa park ang mga pamilya na isang testimonya na sa kabila ng bawat unos, ang lungsod ay yumayabong. Bawat sakuna ay isang oportunidad para mapatibay ang bawat isa.
Umunlad ang Marikina dahil ginusto ng mga tao ang isang maunlad na lungsod. Makikita ang progresibong pagbabago... bagong kalsada, bagong aspalto, bagong tulay, bagong high rise buildings. Pero ito ang pinakamaganda, nagawa pa rin ito nang hindi binabago ang hubog at pakiramdam na parang isang buong pamilya pa rin ang bayan ng Marikina. Kahit saang barangay, mararamdaman pa rin ang small-town vibe.
Ang mga hamon at pagsubok ay lilipas pero ang pagkakaroon ng busilak na hangarin para iangat ang lungsod at bawat isang Marikenyo at Marikenya ay hindi matitinag.
Malayo ang lalakbayin para maramdaman ang tunay na pagbabago pero ang Marikenyo at Marikenya ay handang magbago para sa ikabubuti, hindi lamang ng lungsod, kundi pati ng kapwa.
Habang diretso ang tingin tungo sa pag-unlad, kapit-bisig naman ang mga residente ng lungsod tungo sa sama-samang lakas ng Marikina.