ni Lolet Abania | November 14, 2021
Ipinahayag ng Food and Drug Administration (FDA) na sa ngayon ay wala pang nai-report na adverse reactions sa mga kabataang edad 12 hanggang 17 na nakatanggap na ng kanilang first dose ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, ilan sa mga bata lamang, siyam dito na naturukan ng Pfizer vaccine at isa na nabigyan ng Moderna, ang nagkaroon ng allergies at nakaranas ng hyperventilation at post-vaccination body pain subalit aniya, gumaling din kinabukasan.
Kasalukuyang inaprubahan pa lamang ng FDA ang Pfizer at Moderna COVID-19 vaccines para sa mga minors na edad 12 hanggang 17.
“So far, ‘yung monitoring natin, siguro mga 400,000 na ‘yung nabakunahan na mga bata, wala naman tayong nakikita na adverse events na grabe, na talaga pong nagkaron ng problema,” sabi ni Domingo sa isang interview ngayong Linggo.
Paliwanag ni Domingo, ang mga menor-de-edad na wala naman ng tinatawag na underlying conditions ay hindi na kailangang magprisinta ng medical certificates mula sa kanilang mga doktor bago bakunahan, maliban sa mga kabataang may comorbidities.
“Hindi naman kailangan ng medical certificate para magpabakuna ng bata aged 12-17. Basta walang sakit at pupunta sa vaccination centers, puwede naman bakunahan,” sabi ni Domingo.
Matatandaang sinimulan ng gobyerno ang pediatric inoculation program noong Oktubre 15 para sa mga may comorbidities, at nitong Nobyembre 3 naman para sa lahat ng minors na nasa edad 12 hanggang 17.
Batay sa datos ng gobyerno, mayroong 12.7 milyong kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 sa bansa, kung saan 1.2 milyon dito ay may comorbidities.
Target ng pamahalaan na makapagbakuna kontra-COVID-19 ng 80% o tinatayang 10 milyong menor-de-edad ng hanggang Disyembre 2021.