ni Lolet Abania | January 25, 2022
Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang dalawang self-administered COVID-19 antigen test kits, ayon kay Oscar Gutierrez, officer-in-charge ng ahensiya.
Sa Talk to the People briefing ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, sinabi ni Gutierrez na ang dalawang antigen self-test kits ay mula sa Abbott at Labnovation Technologies, Inc.
Ayon sa opisyal, ang Panbio COVID-19 antigen self-test kit ng Abbott at ang SARS-CoV-2 antigen rapid test na self-test for home use ng Labnovation ay nakatanggap na ng special certification mula sa FDA.
Sa ngayon, may kabuuang 86 antigen test kits naman na ayon kay Gutierrez, ang inalis na sa mga pamilihan.
“Hindi nila na-meet ang RITM performance validation, habang mayroon silang special certification o ‘di kaya ‘di po sila rehistrado, authorized o kaya sinurender ng special certification holder ‘yung kanilang certification,” paliwanag ni Gutierrez.
“Marami po talaga ditong natanggal sa market dahil ‘di po sila pumasa sa standard ng FDA,” ani pa ng opisyal.
Binanggit din ni Gutierrez na ang self-testing ay isa lamang sa mga measures para maprotektahan ang sarili, gayundin ang iba laban sa virus.
Hinimok naman niya ang publiko na magpabakuna na kontra-COVID-19 at patuloy na sumunod sa minimum health protocols.
Hinikayat din niya ang lahat na bumili lamang ng FDA-certified self-test kits mula sa mga FDA-licensed drug outlets.