ni Lolet Abania | April 24, 2022
Nakakumpiska ang National Bureau of Investigation (NBI) ng tinatayang 2,000 piraso ng pekeng Chinese insecticide na nagkakahalaga ng P350,000 sa Batangas at Laguna.
Ayon sa NBI, ang mga pekeng insecticide ay mas mabenta sa pamilihan dahil ang halaga nito ay nasa kalahati lamang ng presyo ng tunay na produkto. Subalit anila, mas magdudulot ito ng panganib sa kalusugan ng mga mamimili.
“Ito po kasing mga fake products ay hindi natin mapo-prove kung meron talaga itong efficacy at saka ‘yung quality nito kung talagang mabisa ito para pamatay ng insekto or baka naman kasi ‘yung laman nito sobra-sobra ‘yung chemicals so nakakasama sa gagamit nito,” sabi ni Glenn Ricarte, hepe ng NBI intellectual property rights division.
Sinabi pa ng NBI na humingi na sila ng permiso mula sa korte para agad nilang mawasak ang mga nasabing produkto upang maiwasan na magdulot ito sa mga consumers ng panganib.
“Ito ay sasampahan natin ng paglabag sa trademark infringement kasi ito hazardous substance kailangan natin protektahan ‘yung mga mamimili. Para lahat ng mga products na binebenta sa market ay dumaan sa FDA (Food and Drug Administration),” saad pa ni Ricarte.
Gayunman, wala namang suspek na naaresto sa ginawang operasyon ng NBI.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.