ni Lolet Abania | May 31, 2022
Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas ang emergency use authorization (EUA) ng COVID-19 vaccine ng Moderna para sa mga batang edad 6 hanggang 11, ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) ngayong Martes.
Sa kanilang regular briefing, sinabi ni Health Promotion and Communication Service Director Dr. Beverly Ho na nai-grant na ng Philippine FDA ang amendment ng EUA ng Moderna noong Mayo 20, 2022, sa paggamit nito bilang primary vaccine series kontra COVID-19 para sa nasabing age group.
Gayunman, naghihintay pa ang DOH sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) para sa paggamit ng Moderna sa mga edad 6 hanggang 11.
Ito ang magiging batayan o guide ng Health Technology Assessment Council (HTAC) para sa kanilang independent evaluation. Batay sa na-published at peer-reviewed clinical data, ayon sa ZP Therapeutics ng Zuellig Pharma Corporation sa isang statement, ang dalawang 50-μg doses ng Spikevax vaccine ng Moderna ay mayroon anilang, “an acceptable safety profile and elicits a strong immune response for children aged 6 to 11.”
Ipinunto pa nila, na ang efficacy ng Spikevax para sa mga naturang age group ay katulad ng nakukuha ng mga adults. “This is a welcome development in expanding COVID-19 vaccine access within our pediatric population,” sabi ni Zuellig Pharma Corporation medical doctor Dr. Philip Nakpil.
“The Spikevax COVID-19 Vaccine Moderna boosts opportunities in ensuring more children are protected against the virus,” aniya pa.
Matatandaan noong Disyembre 2021, inaprubahan ng FDA ng bansa ang EUA ng Pfizer COVID-19 vaccine para sa edad 5 hanggang 11.
Base sa national COVID-19 vaccination dashboard ng DOH, tinatayang nasa 151 milyon doses na ang na-administered sa bansa hanggang Mayo 29, 2022.