top of page
Search

ni Lolet Abania | August 9, 2021



Kakailanganin pa ng karagdagang 12 hanggang 14 milyon COVID-19 vaccines kapag pinayagan na ng gobyerno ang pagbabakuna sa mga kabataan na nasa edad 17 at pababa, ayon sa Food and Drug Administration (FDA).


Ito ang naging tugon ni FDA Director General Eric Domingo matapos ang limang buwan nang simulan ng pamahalaan ang COVID-19 vaccination program at ang pag-apruba ng FDA sa Pfizer-BioNtech lamang na i-administer sa mga batang nasa edad 12 hanggang 17.


“If we are going to include those 12 to 17 years old [in our vaccination program], that would mean additional 12 to 14 million [people to be vaccinated],” ani Domingo sa Laging Handa briefing ngayong Lunes.


“Rest assured that like the vaccine approved for adults, we will not be giving these to children unless it is safe and effective,” dagdag ni Domingo.


Ayon sa opisyal, ang Sinovac vaccine na gawa ng China ay nag-apply na ng emergency use authorization (EUA) sa FDA para sa paggamit ng kanilang bakuna kontra-COVID-19 sa mga kabataang nasa edad 3 hanggang 17, subalit nasa proseso pa ng evaluation ng Vaccine Expert Panel (VEP) ng bansa.


Gayundin, sinabi ni Domingo na ang EUA application naman ng Novavax para sa kanilang COVID-19 vaccine ay pagdedesisyunan pa ng ahensiya sa loob ng 21 araw.


“As long as they already submitted all the requirements, it (approval) should not be a problem,” saad ni Domingo.


Target ng gobyerno na mabakunahan ang 76.3 milyong indibidwal sa katapusan ng taon upang makamit ang herd immunity laban sa COVID-19, subalit sa nasabing bilang ay hindi nakasama ang mga kabataang nasa edad 17 at pababa.


Binanggit din ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr. na ang kasalukuyang supply ng COVID-19 vaccine sa bansa ay kulang pa ng tinatayang 42 milyong doses.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 4, 2021





Aminado si Pangulong Rodrigo Duterte na natatakot din siyang mahawahan ng COVID-19, batay sa kanyang public address kagabi, Mayo 3.


Aniya, “Kapag ako ang tinamaan, sa tanda ko, there is no way of telling, whether I will live to see the light of day the following day… Iyang sakit na iyan, it is very... I cannot even find the word to describe it. It is very lethal.”


Matatandaang binakunahan na ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III si Pangulong Duterte kagabi gamit ang Sinopharm COVID-19 vaccines ng China.


Bagama’t hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) ng naturang bakuna ay protektado naman iyon ng compassionate special permit (CSP) na iginawad ng FDA.


Sabi pa ni FDA Director General Eric Domingo, “Ito ‘yung permit na hiningi ng PSG dati bago pa dumating ang mga bakuna rito sa Pilipinas. Mayroon silang donation from China at hiningan ito ng special permit para nga maprotektahan ang Presidente.”


Sa ngayon ay patuloy na nananawagan ang pamahalaan sa publiko na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.


Ipinaaalala rin ng mga eksperto na sumunod sa health protocols at huwag lumabas ng bahay kung hindi naman importante ang gagawin.


Sa kabuuang bilang nama’y 1,948,080 indibidwal na ang mga nabakunahan laban sa virus. Kabilang dito ang 289,541 indibidwal na nakakumpleto ng dalawang dose at ang 1,658,539 indibidwal para sa unang dose.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page