ni Angela Fernando - Trainee @News | January 23, 2024
Naaresto ang isang lalaking nagpanggap na abogado sa Pasay City.
Ito ay matapos na nakabiktima ng mahigit P500 K ang lalaking kinilalang si Robert P. Garcia.
Pakilala nito sa biktima, siya raw si Atty. Robert SP Garcia.
Pagbabahagi ng biktima, may nag-refer lang sa kanya sa suspek ngunit ang dami nitong hinihinging babayaran.
Apat na beses na humarap ang suspek sa mga preliminary investigation sa mga kasong isinampa.
Humingi pa ito ng Christmas gift na nagkakahalaga ng P60 K at doon na nagduda ang biktima.
Nagpa-second opinion na ang biktima at doon nalamang peke pala ang mga dokumentong ipinakita ng suspek.
Wala ring lumabas sa Lawyer's List para sa Enero 20, 2024 sa Korte Suprema na Robert SP Garcia.
Inamin naman ng biktima na hindi nila alam ang proseso sa pagsasampa ng kaso kaya bayad lang sila nang bayad.
Ang biktima, kasama ang mga pulisya, ang mismong umaresto sa suspek na hindi naitanggi ang ginawang panloloko.
Pag-amin ng suspek, nag-aral siya ng Law ngunit hindi siya nakapasa sa Bar examination at consultant ang pakilala niya sa naging biktima.
Inginuso naman ni Garcia ang nag-refer sa kanya dahil hindi lang siya ang nakinabang sa nangyari.
Ayon kay Police Captain Dennis Desalisa, hepe ng Pasay City Police Investigation Section, magaling daw magsalita ang suspek kaya napaniwala nito ang biktima.