ni Lolet Abania | November 2, 2021
Ipinahayag ng Malacañang na ilan sa mga miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pabor sa ditching o pagpapatigil ng mandatory na pagsususot ng face shield kapag nasa labas dahil anila bumababa na ang bilang ng COVID-19 cases.
“I can confirm that since the number of COVID-19 cases are going down, the IATF is discussing kung ipagpapatuloy pa ang pagsusuot ng face shield,” Presidential Spokesperson Harry Roque.
“Marami ang nagsasabi sa IATF na itigil na ang pagsusuot ng face shield,” dagdag ni Roque.
Gayunman, ayon kay Roque, hindi pa nakakapagdesisyon ang IATF kung ang face shield ay aalisin na.
“While many are supportive of doing away with face shield, there is no decision yet. We should still wear a face shield,” sabi pa ni Roque.
Subalit para kay Dr. Edsel Salvaña ng UP Manila-National Institute of Health (NIH), ang pagsusuot ng face shield ay mayroong benepisyo.
“COVID-19 virus can also enter through our eyes, and it protects the eyes,” sabi ni Salvaña. “The risk of getting COVID-19 is going down, but we have to make sure that everyone is vaccinated before we remove the face shield,” dagdag ni Salvaña.
Matatandaang unang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tungkol sa pagpapagaan ng mandato sa face shield bago binawi rin niya ito dahil aniya sa pagkumbinsi sa kanya ng mga eksperto.
Inamin ng Pangulo na nagkaroon siya ng pagkakamali nang sabihin nitong ang pagsusuot ng face shield ay hindi na kailangan para makaiwas sa COVID-19 transmission.
Aniya, ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases ay sanhi ng mas nakahahawang Delta variant, kaya nagbago ang kanyang isipan sa pag-aalis ng face shield.
“Noong dumating itong variant na Delta, natakot ako. ‘Yun, mali ko ‘yun,” saad ng Pangulo.
Una na ring binanggit ni Roque na ang face shield requirements ay mananatili maliban kung ang World Health Organization (WHO) ay ituturing na hindi na ito kailangan.
Subalit noong Setyembre, sinabi ni Pangulong Duterte na ang pagsusuot ng face shield ay kailangan na lamang kapag ang indibidwal ay nasa 3Cs – close, crowded, close-contact.
Matagal na ring pinagdedebatehan ang tungkol sa mandato ng gobyerno na pagsusuot ng face shield, kung saan ilang bansa rin sa buong mundo ay mayroong katulad na mandate, dahil na rin marahil sa dagdag na gastos ito para sa mga ordinaryong mamamayan.