ni Lolet Abania | June 18, 2021
Patuloy na ipinatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang mandato ng pagpapasuot ng face shield sa mga indibidwal na inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Sa isang statement, sinabi ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar na ang mahuhuli ay sisitahin lamang at ipapaalala sa kanila na nananatiling walang guidelines ang gobyerno na pinapayagan na ang publiko na hindi magsuot ng face shield habang may pandemya.
“The latest recommendation of the IATF to the President is to continue making mandatory the wearing of face shields in enclosed spaces, commercial areas, public transport, terminals and even places of worship,” ani Eleazar.
“With this, we will continue to enforce the existing policy until the President decides on the matter and the IATF amends the guidelines,” sabi pa niya.
Nagbigay na rin ng direktiba si Eleazar sa lahat ng police personnel na itigil ang pagpataw ng anumang parusa sa mga lalabag na indibidwal.
Ayon kay Eleazar, naghihintay pa ang PNP para sa issuance ng bagong guidelines base sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kahapon, kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang naging pahayag ni Pangulong Duterte, na ginawa habang nakikipag-usap sa mga senador sa Malacañang nitong Miyerkules, na kailangang magsuot ng face shields sa mga ospital na lamang at kinokonsidera itong polisiya.
Gayunman, inapela naman ito ng IATF, ang policy-making body ng gobyerno sa pagtugon laban sa COVID-19, kay Pangulong Duterte.