ni Lolet Abania | June 23, 2022
Iminungkahi ni outgoing Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na palawigin ang mandatong pagsusuot ng face mask na ipinatutupad sa bansa dahil ito sa mga naitatalang kapansing-pansing pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
“Well, kung ako tatanungin mo, I will recommend that it should be extended because there’s already an increasing number of cases,” pahayag ni Duque sa isang interview ng CNN Philippines ngayong Huwebes.
Bukod sa COVID-19, ayon kay Duque, makatutulong ang face mask para maiwasan ang iba pang sakit gaya ng influenza, bacterial pneumonia, monkeypox, at asthma.
“So dapat ipagpatuloy na lang dahil maraming value add naman ang masking. Hindi lang laban sa COVID-19. Maraming laban sa influenza, bacterial pneumonia, ang dami pang mga sakit,” saad ni Duque.
Sa kabila ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 nitong nakalipas na mga araw, ayon sa DOH, nananatili ang bansa na nasa low-risk classification na may average daily attack rate ng mas mababa sa 1 kada 100,000 population.
Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mandatong pagsusuot ng face masks ay hindi babawiin hanggang sa katapusan ng kanyang termino sa Hunyo 30.
Samantala, sinabi rin ni Duque sa parehong interview na umaasa siyang ang susunod na administrasyon ay magiging mas bukas sa isang polisiya na magma-mandate sa COVID-19 vaccination subalit may mga exceptions.
Binigyan-diin naman ni Duque na ang pagtaas ng mga kaso ay posibleng aniya, dahil sa maraming tao ang hindi na nagko-comply sa minimum health standards, hindi lahat ng qualified individual ay tumatanggap ng kanilang booster shot, at ang pagpasok ng mas nakahahawang mga subvariants ng Omicron.
Gayundin aniya, maaaring resulta ng tinatawag na waning immunity ng COVID-19 vaccines. “Ang problema natin talaga is wala tayong vaccine mandate. I broached that idea but that was thumbed down by Congress,” sabi ni Duque.
“So we’ll see if next Congress might be more receptive to a possible policy… mandating vaccination but with clear exceptions. Hindi naman lahat talaga pwedeng bakunahan,” dagdag ng opisyal.