top of page
Search

ni Lolet Abania | February 3, 2021




Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) na hindi nila huhulihin o pagmumultahin ang mga pasaherong nakasakay sa isang sasakyan nang walang suot na face mask, magkasama man o hindi sa bahay.


Bagama’t, ayon kay LTO chief, Transportation Assistant Secretary Edgar Galvante, pinag-aaralan na ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 (IATF) at Department of Health (DOH) ang nasabing polisiya.


“Pero pansamantala po kung kayo ay masisita hindi naman pagmumultahin agad o whatever. Ipaliliwanag lang ang kahalagahan ng pag-observe ng protocol,” ani Galvante.


Matatandaang sa isang radio interview kahapon, binanggit ni LTO Director Clarence Guinto na ang mga pasahero na nasa loob ng pribado o pampublikong sasakyan ay kinakailangang magsuot ng face mask upang maprotektahan ang sarili laban sa COVID-19.


Ayon kay Guinto, ang mga lalabag na may-ari ng mga private vehicles ay papatawan ng P2,000 multa habang sa mga public vehicle violators ay P5,000.


Samantala, ipinahayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na ang mga drivers na nag-iisa sa kanilang sasakyan ay hindi na kailangan pang magsuot ng mask habang nagmamaneho.


Ayon kay Nograles, co-chairperson ng IATF, naglabas na ng advisory ang DOH patungkol dito at sinasabing, “those driving alone may remove their masks while inside their vehicle." "I think that is only logical; if there is no one in the vehicle with you, you cannot infect anyone else,” ani Nograles.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | January 15, 2021




Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa mga healthcare professionals at sa publiko sa paggamit at pagbili ng 2 brands ng “unnotified” disposable face masks.


Ayon kay FDA Director-General Eric Domingo, ang “Disposable Medical Mask” at “AiDeLai Disposable Face Mask” ay kapwa “unnotified medical devices products.”


Aniya pa, hindi nabigyan ng Product Notification Certificates ang mga naturang brands.


Pahayag ng FDA, "The FDA verified through post-marketing surveillance that the above mentioned medical device product is not notified and no corresponding Product Notification Certificate has been issued.”


Paalala rin ng naturang ahensiya, “Pursuant to the Republic Act No. 9711, otherwise known as the Food and Drug Administration Act of 2009, the manufacture, importation, exportation, sale, offering for sale, distribution, transfer, non-consumer use, promotion, advertising or sponsorship of health products without proper authorization is prohibited.”


Hindi rin umano nakasisiguro ang FDA sa quality at safety ng naturang brands dahil hindi dumaan ang mga ito sa evaluation process ng ahensiya.


Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang FDA sa awtoridad at local government units upang masigurong hindi maibebenta sa merkado ang mga naturang brands ng face masks.

 
 

ni Thea Janica Teh | January 6, 2021





Hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng copper face mask, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Miyerkules.


Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na naglabas ng advisory 2020-1181 ang FDA ng listahan ng mga aprubadong medical face mask na maaaring magamit.


Sa nasabing listahan, hindi umano kabilang ang copper mask kaya naman hindi ito medical-grade. Naging popular ang copper-infused face mask dahil nakatutulong umano ang copper sa pagpuksa ng virus at dahil sa antimicrobial layer nito.


Ngunit, karamihan sa mga ito ay butas sa parte ng baba. “Nevertheless, considering that it is still a face mask, it can still prevent the spread of COVID-19 mainly by acting as a physical barrier for droplets when a person emits droplets,” dagdag ng DOH.


Matatandaang naging viral ang kuha ng isang netizen sa Makati Medical Center na hindi pinapapasok ang mga taong may suot ng copper face mask at mask na may valve.


Naglabas na ng updated advisory ang ospital at sinabing ang ipinagbabawal na lamang nilang mask ay ang mga may valve, vent, slit o holes.


Samantala, tinatayang nasa 86.5 milyong tao na ang nagkaroon ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa JOHN Hopkins University coronavirus dashboard.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page