top of page
Search

ni BRT @News | July 24, 2023




Inihayag ni Health Secretary Ted Herbosa na ang pangangailangang magsuot ng face mask sa mga pampublikong transportasyon at mga ospital ay tila ipinawalambisa na.

Ito ay kasunod ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na wakasan na ang COVID-19 emergency sa Pilipinas.


Una nang idineklara ni Marcos na opsyonal na lamang ang pagsusuot ng face mask noong Oktubre sa pamamagitan ng Executive Order No. 7, maliban sa mga lugar tulad ng mga ospital, ambulansya, at mga pampublikong transportasyon.


Noong Biyernes, inilabas ng Pangulo ang Proclamation No. 297, na nagsasaad na ang lahat ng mga naunang order, memorandum, at issuances na epektibo lamang sa panahon ng State of Public Health Emergency ay hindi na magkakabisa.


Sinabi rin ni Herbosa na ang lahat ng established medical protocols ay tinanggal, maliban sa Emergency Use Authorization (EUA) na nauukol sa mga bakuna at ang pagbabayad ng mga hindi pa nababayarang dapat bayaran para sa Health Emergency Allowance.


Gayunman, inihayag ng Kagawaran ng Kalusugan na ang Inter-Agency Task Force (IATF) ay magpupulong para sa isang final meeting upang pormal na tapusin ang public health emergency, at kasunod nito ay maghahanda na rin ng isang komprehensibong ulat.


Samantala, inaasahang mas maraming pasahero ang gagamit ng Light Rail Transit 2 stations sa pag-angat ng State of Public Health Emergency sa bansa.


Sinabi ni LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera na sa pag-alis ng public health emergency, lalabas na ang mga ayaw lumabas dahil sa mga paghihigpit, lalo na sa mga matataong lugar at transport hubs, at gagamit ng mga pampublikong transportasyon tulad ng LRT.


Sinabi ni Cabrera na may karagdagang 30,000 hanggang 50,000 na pasahero ang inaasahan mula sa 150,000 araw-araw na pasahero.


Ang LRTA ay mayroong 180,000 hanggang 200,000 araw-araw na pasahero bago ang pandemic.


 
 

ni BRT | May 18, 2023




Hindi ibabalik sa ngayon ang mandatoryong pagsusuot ng face mask sa Metro Manila sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.


Ayon kay Metro Manila Council head San Juan City Mayor Francis Zamora, nananatiling nasa low-risk category ang rehiyon para sa COVID-19 na may 29% hospital utilization rate.


Habang ang positivity rate o porsyento ng nagpopositibo sa virus mula sa nasuring indibidwal ay nasa 25% subalit karamihan ay mild lamang.


Iniugnay naman ng alkalde ang mababang positivity rate at hospitalization rates sa mataas na vaccination rate sa rehiyon.


Sa kabila aniya ng pagpapatupad ng face mask mandate sa ibang lungsod, sa kabuuan sa Metro Manila ay nananatiling nasa Alert Level 1 o low risk category at sa ilalim nito, nananatiling optional ang pagsusuot ng face mask.


Inihayag din ni Zamora na hindi pa natatalakay sa nagdaang pagpupulong ng konseho ang pagpapatupad muli ng mandatoryong pagsusuot ng face mask.


Ipinaliwanag din ng opisyal na mayroong otonomiya ang mga lokal na pamahalaan na nangangahulugan na maaaring magpatupad ang mga ito ng face mask mandate sa pamamagitan ng mga ordinansa o executive orders.


 
 

ni Mylene Alfonso | May 2, 2023




Hindi pa nakikita ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na kailangang ibalik ang mandatoryong pagsusuot ng face mask sa gitna ng pagtaas ng COVID-19 cases kamakailan.


Ayon kay Marcos, bagama’t tumataas ang COVID cases sa bansa maliit pa rin aniya ang baseline o bilang ng mga kaso bago nakita ang muling pagtaas.


"We might have to think about it kung talagang… But ang ating -- ako ang tinitingnan ko is because although ‘yung rate of increase lumalaki, ang baseline natin na sinimulan eh maliit lang so hopefully we’re still ano -- we’re still going to be able to do it," sabi ni Marcos sa isang panayam habang lulan ng PR001 patungong Washington D. C.


Kaugnay nito, bukas din si Marcos na muling magsagawa ng vaccination drive laban sa COVID para sa mga bata lalo’t nakakaapekto rin aniya ang mainit na panahon sa kanilang kalusugan.


"But it looks like, we will have to conduct again, especially for young people, we’ll have to conduct again a vaccination push para mabawasan na ‘yan, para mabawasan ‘yan especially with people being a little bit, shall we say, nahihirapan na nga eh dahil sa init, that brings down -- humihina ang katawan and that will make them more vulnerable to COVID again," paliwanag ng Pangulo.


Una nang ipinag-utos ni Marcos na opsyonal ang paggamit ng face mask noong Oktubre noong nakaraang taon sa pamamagitan ng Executive Order No. 7.


Samantala, maghihintay ng guidance ang Pangulo mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at Department of Health kung kailangan bang ibalik ang mandatoryong pagsusuot ng face mask.


"So we’ll look at it. Tingnan natin kung may guidance ang IATF, may guidance ang DOH. I think -- I hope we don’t have to but we might but I hope not," saad pa ng Punong Ehekutibo.


Matatandaang iniulat ng DOH ang pagtaas ng kaso ng COVID sa bansa dagdag pa rito ang pagkaka-detect ng bagong Omicron subvariant XBB.1.16.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page