ni Lolet Abania | May 26, 2022
Lima katao ang nasugatan matapos ang pagsabog ng hinihinalang improvised explosive device (IED) sa loob ng isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Gensan Drive sa Koronadal City, South Cotabato ngayong Huwebes.
Kinilala ng pulisya ang tatlong biktima na sina Joseph Rodolfo Valenzuela, Jonalyn Ferrer at Angel Ferrer, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa pang nasaktan.
Una nang sinabi ng pulisya na kabilang sa nasugatan ay dalawang tricycle drivers na nakasakay dito sa kahabaan ng highway na nasa tabi ng bus nang ang hinihinalang IED ay sumabog bandang alas-12:30 ng tanghali.
Mabilis na rumesponde ang Philippine National Police (PNP)-South Cotabato Explosives and Ordnance Disposal and Canine Group sa pinangyarihan ng insidente. Kinumpirma naman ito ni Koronadal City Mayor Eliordo Ogena. Agad na binigyan ang mga biktima ng first aid at dinala sa pinakamalapit na ospital.
“May isang na-injure na tricycle driver, kasi nasa likod ng Yellow Bus. At sinubmit namin siya sa MRI to determine whether may damage sa ulo niya. Kasi ang reklamo niya, mukhang naapektuhan ang ear drum niya,” ani Ogena isang interview.
“Siniguro lang namin na talagang walang impact ‘yung bomba sa kanya,” dagdag ng mayor. Nakuhanan naman ang pagsabog ng surveillance camera na pag-aari ng isang pribadong kumpanya, kung saan nagana pang explosion sa likuran ng bus.
“Nagtataka rin ako bakit nakalusot ‘yan. Ang pagkakaalam ko mahigpit naman ‘yung mga bus dito. Bago ka umakyat, ini-inspect naman ‘yan. Kung paano nakalusot, siguro that will be subject of an investigation also,” giit ni Ogena. Ayon kay Ogena ang bus ay nagmula sa Tacurong City, kung saan isa pang pagsabog din ang nangyari sa mga oras na iyon.
“Iniimbestigahan ito kasi, baka may koneksyon ito. Mahirap naman sabihin na coincidence eh. May sumabog din sa Tacurong, na ilang kilometro lang ‘yan, mga more or less 30 kilometers away from Koronadal City,” pahayag ni Ogena.
“We did not expect this to happen. Nabigla kami sa nangyari. Siguro, hihintayin ko na lang ‘yung resulta, kung ano ang dahilan, ano ang motibo ng mga grupo,” dagdag niya.
Sa isang military spot report na ibinigay ni Major Andrew Linao, public information officer ng Western Mindanao Command ng militar, ang naganap na explosion ay dahil sa isang improvised explosive device.
“Directed all units under JTF (Joint Task Force) Central to intensify checkpoint operations and intelligence monitoring,” batay sa report. Sa ngayon, wala pang karagdagang detalye na ibinigay ang mga awtoridad kaugnay sa insidente, habang tumanggi sila sa media interviews hanggang hindi anila, natatapos ang imbestigasyon.