ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 2, 2021
Nananatiling nakataas sa Alert Level 3 ang Taal Volcano ngayong Biyernes nang umaga, ayon sa PHIVOLCS.
Noong Huwebes, bandang alas-3:16 nang hapon, naganap ang phreatomagmatic eruption nito at umabot ng isang libong metro ang taas ng plumes nito.
Nasundan ito ng apat pang phreatomagmatic bursts kahapon nang 6:26 PM, 7:12 PM, 7:41 PM at alas-8:20 nang gabi.
Naitala rin ng PHIVOLCS ang 29 volcanic earthquakes, 22 low frequency volcanic earthquakes, at dalawang volcanic tremor sa Taal Volcano sa nakalipas na 24 oras.
Samantala, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 1,282 indibidwal o 317 pamilya ang nananatili sa mga evacuation centers ngayong Biyernes dahil sa pagsabog ng Bulkang Taal.
Inaasahan namang tataas pa ang bilang ng mga evacuees dahil sa patuloy na pag-aalburoto ng bulkan.
Saad ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, “The volcano island is of course off-limits and the high risk barangays naman po are being evacuated by the local government units based on the recommendation of PHIVOLCS.”