ni Lolet Abania | December 1, 2021
Ipinahayag ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) para sa paggamit ng COVID-19 booster shots sa mga edad 18 at pataas.
“The EUA has been approved, we will just finalize the guidelines, in the next couple of days, we will have the boosters for all 18 years old and above,” ani DOH Undersecretary Myrna Cabotaje sa isang Laging Handa interview.
Kinumpirma ni FDA Director-General Eric Domingo ang EUA approval na kanilang ibinigay nitong Lunes. Ani Domingo, ang DOH naman ang bubuo ng guidelines, gayundin ang planong implementasyon nito na ilalabas sa mga susunod na araw.
Sinabi ni Domingo na ang mga indibidwal na edad 18 at pataas na anim na buwan nang nakakumpleto ng kanilang ikalawang dose ng COVID-19 vaccine ay maaari na ring makatanggap ng booster shot sa second leg ng national vaccination drive na tinawag na “Bayanihan, Bakunahan” sa Disyembre 15 hanggang 17.
Ayon pa kay Domingo, ang mga booster brands na nakatakdang i-administer para sa nasabing grupo ay parehong booster brands para sa mga health care workers, senior citizens, at immunocompromised.
Ang mga volume ng booster shot para sa iba’t ibang brands na gagamitin ay Pfizer-BioNTech - 0.3 ml/dose; Moderna - 0.25 ml/dose (kalahati ng regular dose); Sinovac - 0.5 ml/dose; AstraZeneca - 0.5 ml/dose.
Sinabi naman ni Cabotaje na tinatayang nasa 600,000 booster shots na ang kanilang na-administer simula noong Lunes, kasabay ng 3-day national vaccination drive ng gobyerno.