ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | January 12, 2024
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Lourdes ng Sampaloc, Manila.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na dalawang beses akong tinuklaw ng ahas, at agad din itong gumapang palayo upang tumakas. Ngunit, nakita ng alaga kong aso ang ginawa sa akin ng ahas, kaya hinabol niya ito habang kakawag-kawag ang buntot at tahol nang tahol.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Lourdes
Sa iyo, Lourdes,
Ang ahas ay sumisimbolo ng kaaway. Ibig sabihin may kaaway ka na magtatangkang sirain ang reputasyon mo. Ang ahas ay nangangahulugan din ng sexual desire, sabik ka na may makayakap sa gabi lalo na kung malamig ang panahon.
Ang dalawang beses kang tinuklaw ng ahas ay nagpapahiwatig na pabagu-bago ang isip mo. Madali kang magpalit ng desisyon, ito rin ay senyales na karamihan sa iyong mga kaibigan ay hindi tapat at ‘di mapagkakatiwalaan.
Samantala, ang hinabol ng alaga mong aso ang ahas, kakawag-kawag ang buntot nito at tahol nang tahol ay tanda na magiging mapalad ka sa pakikipagtransaksyon.
Tutulungan ka ng kaibigan mo sa pakikipag-deal sa bago mong kasosyo hanggang sa tuluyan kang umunlad at yumaman.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna