ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Pebrero 4, 2024
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Manolito ng Baguio.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na nakatayo ako sa ilalim ng oak tree. May peacock akong nakita, at humanga ako sa ganda ng mga pakpak nito. Dahil sa kalibangan, hindi na ako umuwi sa bahay namin.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Manolito
Sa iyo, Manolito,
Ang panaginip mo na nakatayo ka sa ilalim ng oak tree ay depende kung ang oak tree ay mayabong maganda, matatag, matibay, malago at may sariwang dahon, ito ay nangangahulugan na uunlad ang iyong negosyo. Ito rin ay nagpapahiwatig na magiging maligaya ka sa piling ng iyong pamilya. Dadami ang iyong kaibigan na kasing dami ng mga berdeng dahon ng oak tree.
Ngunit, kung ang oak tree ay matanda, hindi na malago at tuyot na ang mga dahon, ito ay babala ng kalungkutan. May mga sagabal ka pang haharapin, at madami ka pang pagsubok na daranasin.
Samantala, ang peacock na may magandang pakpak ay nangangahulugan na magiging matatag ang iyong kabuhayan. Igagalang at titingalain ka sa lipunang iyong ginagalawan.
Kung bata at wala ka pang asawa, ito naman ay senyales na matatagpuan mo na ang iyong dream girl. Kabilang siya sa mayayamang angkan. Ngunit, alam mo kung ano pa ang nakagugulat? Magkaibigan na kayo sa kasalukuyan at natitiyak kong mauuwi sa kasalan ang iyong relasyon. Hahangaan at titingalain kayo sa lugar n’yo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna