ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Ika-6 Araw ng Abril, 2024
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jonathan ng Samar.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na naligaw ako sa isang isla. May nakita akong hagdan papunta sa kabilang side. Umakyat ako roon, ngunit nang malapit na ako sa dulo, bigla akong nahilo.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Jonathan
Sa iyo, Jonathan,
Ang ibig sabihin ng naligaw ka sa isang isla ay depende kung ang isla ay maganda o hindi. Kung maganda ang isla, maraming malalaking puno na kulay berde ay nangangahulugan na fickle minded ang dyowa mo. Pabagu-bago ang isip niya, pero huwag kang mag-alala dahil may makikilala ka pa rin na mas hihigit sa kanya. Siya ang makakatuluyan mo at magiging masaya ka sa piling niya.
Kung ang isla naman ay pangit, tuyot at lanta na ang mga dahon sa puno ay nagpapahiwatig na mawawala na sa landas mo ang dyowa mo. Papanaw na siya at doon na sa kabilang buhay maninirahan.
Samantala, ang umakyat ka sa hagdan upang makarating sa kabilang side ay sign na aaliwalas na pamumuhay mo. Magiging maganda na ang future mo, at matutupad na ang mga pangarap mo sa buhay. Kung may kasintahan ka sa kasalukuyan, magkakatuluyan kayo. Magtatagumpay ka rin sa negosyo. Subalit, ang sabi mo ay nahilo ka pagdating mo sa dulo ay paalala na mapapabayaan mo ang iyong kabuhayan.
Posible ring sumobra ang tiwala mo sa iyong sarili, magiging mapagmataas ka at darating sa punto na hindi mo na maitatama ang gagawin mo. Ito rin ay babala na babalik ka sa dati mong kalagayan na kung saan mahihirapan ka na namang makaangat sa buhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna