top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 17, 2021




Ipinasara ng awtoridad ang mga nadatnang nag-o-operate na tindahan at 24-hour na establisimyento sa ikalawang gabi ng unified curfew sa Metro Manila pasado alas-10 hanggang alas-5 nang madaling-araw nitong Martes, Marso 16.


Ayon kay Southern Police District Director Brig. Gen. Eliseo Cruz, sa Muntinlupa City ay pinuntirya nila ang mga convenience store na wala sa listahan ng mga pinapayagang magbukas habang oras ng curfew, taliwas sa inanunsiyo ng Las Piñas LGU na kabilang ang 24-hour convenience stores sa mga pinapayagang magbukas.


Iginiit naman ni Cruz na inabisuhan niya ang mga hepe na sakop ng Southern Police District upang klaruhin iyon sa kani-kanilang lokal na pamahalaan.


Aniya, puwede namang amyendahan ang mga ordinansa para isama ang 24-hour convenience store sa mga exempted na establisimyento ngunit hangga’t walang paglilinaw ay patuloy nilang ipasasara ang mga ito.


Kaugnay nito, bumaba naman ang bilang ng mga residente na nahuli sa kalsada habang ipinapatupad ang curfew hours sa Navotas, Caloocan at Quezon City.


Batay sa ulat, mula 80 indibidwal na hinuli nitong Lunes sa Caloocan ay mahigit 58 violators na lamang ang mga nahuli nang sumunod na gabi, habang sa Navotas naman ay bumaba na lamang sa 7 ang mga natikitan.


Sa Quezon City, mahigit 60 naman ang hinuli kabilang ang anim na menor de edad.


Sa ngayon ay umabot na sa 631,320 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan 4,437 ang nadagdag sa mga nagpositibo.


Sa pagpapatuloy ng unified curfew ay umaasa ang pamahalaan na mababawasan ang mabilis na paglobo ng virus at ang bilang ng mga violators.

 
 

ni Lolet Abania | March 14, 2021




May mga establisimyento na pinayagang bukas sa kabila ng pagsisimula ng uniform curfew sa Metro Manila.


Sa nakatakdang uniform curfew bukas, March 15 ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga, magpapatuloy ang operasyon at essential activities ng mga sumusunod:

• Market delivery

• Market bagsakan

• Food take-out at delivery

• Mga botika

• Mga ospital

• Convenience stores

• Delivery ng goods

• Business process outsourcing (BPO) firms at katulad na mga negosyo.


Epektibo ang curfew hours sa loob ng dalawang linggo matapos ang biglang pagtaas ng COVID-19 cases na naiulat sa National Capital Region (NCR).

 
 

ni Lolet Abania | February 21, 2021




Umabot sa 10 establisimyento at isang bahay ang natupok ng apoy sa bayan ng Antique madaling-araw ngayong Linggo.


Batay sa ulat ng Patnongon Fire Station (PFS), alas-2:00 ng madaling-araw nang sumiklab ang sunog sa mga commercial establishment at isang bahay sa Patnongon, Antique.


Ayon kay SFO2 Jose Talidong, officer-in-charge ng PFS, mabilis na kumalat ang apoy dahil dikit-dikit ang mga istruktura ng mga gusali at nadamay pa ang isang tirahan.


May isa namang nagtamo ng 1st degree burn dahil tumulong ito sa pag-apula ng apoy.


Gayunman, agad siyang ginamot ng mga emergency responder kaya maayos na ang kanyang kondisyon. Hindi naman binanggit ang pagkakakilanlan nito.


Tinatayang nasa P5 milyon ang halaga ng pinsala matapos ang sunog. Inaalam na rin ng mga awtoridad ang naging sanhi at pinagmulan ng nasabing sunog.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page