ni Lolet Abania | June 7, 2022
Pinayagan na ng gobyerno ang lahat ng establisimyento sa ilalim ng COVID Alert Level 1 na mag-operate ng 100 percent capacity kabilang na ang ibang mass gatherings, subalit para lamang sa mga full vaccination status.
Nitong Sabado, inamyendahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang ‘Guidelines on the Nationwide Implementation of Alert Level Systems for COVID-19’, kung saan aprubado na ang 100 percent capacity sa Alert Level 1, habang subject naman ito ng pagpapakita ng patunay ng full vaccination, “before participating in mass gatherings or entry into indoor establishments,” ayon kay acting Presidential Spokesperson Martin Andanar sa isang pahayag.
“[The IATF] recognizes the need to further identify the establishments and/or activities that are allowed to operate or be undertaken in Alert Level 1,” sabi pa ni Andanar.
Batay sa dating guidelines, ang mga indoor cinemas lamang ang pinapayagan na mag-operate nang full capacity ng IATF. Una nang inanunsiyo ng Malacañang na ang Metro Manila at marami pang lugar sa bansa ay mananatili sa ilalim ng Alert Level 1 hanggang sa kalagitnaan ng Hunyo.