ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | June 25, 2021
Hanggang ngayon, nakatatak pa rin kay Luis Manzano ang paboritong tawag sa kanya noon ng kanyang mom na si Congw. Vilma Santos-Recto na "Lucky". Madalas, sa mga TV shows noon ng Star for All Seasons ay hindi nito nakakalimutan na batiin ang panganay na anak na si Lucky.
Hanggang sa magbinata na si Luis ay Lucky pa rin ang nakasanayan na itawag ni Ate Vi. Kaya marami ang nagtatanong kung bakit tinatawag niyang Lucky ang anak nila ni Edu Manzano. Saan galing ang pangalang Lucky?!
Well, kuwento ni Congw. Vilma Santos sa isang interview sa kanya, noon daw kabuntisan niya kay Luis ay napakarami niyang pinagdaanang problema sa buhay, lalo na sa aspetong pinansiyal.
Malaki ang pagkakautang niya sa bangko na umabot nang milyones. Milyon din ang utang niya noon sa BIR sa naipon na income tax na hindi nabayaran. Pero, nang ipanganak na niya si Luis, dumating naman ang napakaraming suwerte at blessings sa kanyang buhay.
Nakabangon siya sa kanyang mga utang at maraming projects ang dumating. Kaya, tinawag niyang Lucky si Luis dahil may dala itong suwerte sa kanyang buhay.
Pero, aminado ang Star for All Seasons na nagkulang siya ng panahon kay Lucky dahil sa dami ng kanyang trabaho. Hindi niya naalagaan si Luis at kulang ang kanilang bonding time habang lumalaki ang anak.
Ang ipinagpapasalamat na lang ni Ate Vi, naging mabait at marespetong anak si Luis Manzano. At super proud siya kay Luis na naging responsible, independent at successful sa buhay ang kanyang lucky charm.