ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | October 10, 2021
Ayon sa ilang malalapit sa Superstar na si Nora Aunor, nakakatanggap daw ang aktres ng mga pang-aalipusta mula nang kanyang ideklara na tatakbo siya at magre-represent sa NORA A (National Organization for Responsive Advocacies for the Arts) Partylist sa darating na 2022 elections.
Kung anu-anong masasakit na salita ang ibinabato sa Superstar at kinukuwestiyon ang kanyang kakayahan at kapasidad.
Well, 50 years na sa showbiz si Nora Aunor na nagkamit na ng iba’t ibang parangal at acting awards. Halos nakatrabaho na niya ang lahat ng artista at direktor sa industriya.
Kung siya raw ay mananalo, isa sa mga isusulong niya ay ang karampatang benepisyo ng mga movie workers kasama na ang entertainment press.
Nang tanggapin ni Aunor ang alok na lumahok sa NORA A Partylist ay sinsero ang layunin ng Superstar. Gusto niyang makatulong sa mga taga-industriya. Kaya naman sa tulong at suporta ng kanyang matatapat na tagahanga, umaasa si Nora na mabibigyan siya ng karampatang boto.