ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | Mar. 26, 2025
Photo: Arci Muñoz - Instagram
Nang mag-guest si Arci Muñoz sa programang Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA), nabanggit niyang labis siyang nagsisisi sa ginawa niyang pagpaparetoke ng kanyang mukha. Hindi niya itinatago at hindi ikinahihiyang aminin na marami siyang ipinagawa upang ma-enhance ang kanyang hitsura. At sadya raw matigas ang kanyang ulo dahil ayaw niyang makinig sa payo ng iba.
Hindi raw siya nakukuntento sa kanyang natural na ganda, lagi niyang nire-reinvent ang kanyang sarili, kaya halos hindi na siya nakikilala ng mga dating kaibigan.
At kabi-kabila ang natanggap niyang panlalait mula sa mga bashers, kaya hindi muna siya tumanggap ng anumang project. Sa kanyang love life niya ibinuhos ang kanyang panahon.
Naging usap-usapan sa social media nang maging karelasyon niya ang anak ng isang prinsipe sa Brunei. Masaya at memorable naman daw ang kanilang naging relasyon kahit nauwi rin sa paghihiwalay.
Apat na taon nang loveless si Arci Muñoz, kaya binalikan muli ang kanyang showbiz career. At dedma siya sa mga bashers na patuloy sa panlalait at tinatawag siyang retokada.
Itinatanggi ng Kapuso star na si Ysabel Ortega ang kumakalat na balitang break na raw sila ni Miguel Tanfelix. Wala na kasi silang ipino-post sa socmed ngayon na mga larawan ng kanilang relasyon. Parehong busy ngayon sina Ysabel at Miguel sa kanilang mga shows.
Si Ysabel ay nasa lead cast ng bagong suspense serye na Slay kasama sina Julie Anne San Jose, Mikee Quintos at Derrick Monasterio.
Samantala, si Miguel ay patuloy sa paglabas bilang Kidlat sa Mga Batang Riles (MBR).
Nagtatanong naman ang mga fans kung posible bang mag-guest si Ysabel sa MBR, tutal naman ay walang kapareha si Miguel sa serye.
Well, mas makakabuti sa kanilang career kung solo-solo project muna sila. Puwede rin silang tumambal sa iba. Ang mahalaga ay suportado nina Isabel at Miguel ang career ng isa’t isa.
MARAMI ang nakapansin sa kakaibang campaign promo material ni Sen. Lito Lapid (LL) na ipinapalabas ngayon sa telebisyon. Makatotohanan ito, may malinaw na mensahe at madaling makaka-relate ang mga ordinaryong Pinoy.
Hindi lang ito basta pampapogi points kay Sen. Lito, magmamarka ito sa lahat.
Ang may ideya at may gawa pala ng mga promo ads for TV ni Sen. Lito ay ang anak niyang si Mark Lapid, sa tulong ni Coco Martin.
Full support si Coco sa tinaguriang Supremo ng Senado na nakatrabaho niya sa Batang Quiapo (BQ).
Si LL ang nagsisilbing mentor ni Coco sa mga stunts at fight scenes niyang ginagawa sa BQ. Ibang-iba ang kanilang tandem sa serye. Gumaganda ang mga eksena sa tulong ni Sen. Lito.
Kaya naman, isine-share ni Coco kay Lito ang karangalang natanggap ng BQ sa ginanap na 38th Star Awards for TV kung saan nanalo ito bilang Best Primetime Series.