ni Lolet Abania | August 26, 2021
Inianunsiyo ng Food and Drug Administration (FDA) ngayong Huwebes na posibleng ang mga COVID-19 vaccines ay maging commercially available na sa Pilipinas sa susunod na taon matapos ang full approval sa Pfizer jabs ng United States.
“Possibly early 2022,” ang naging tugon ni FDA Chief Eric Domingo nang tanungin sa isang interview kung kailan magiging commercially available sa publiko ang mga COVID-19 vaccines.
Nitong linggo lang ipinagkaloob ng US FDA ang full approval para sa Pfizer vaccine, kung saan ito ang kauna-unahang COVID-19 shot na nakatanggap ng ganoong approval.
Gayunman, sa Pilipinas, ang full approval ng Pfizer vaccine ay nakadepende sa isusumite ng American drugmaker na aplikasyon para sa certificate of product registration o market authorization.
“Wala pa,” ani Domingo nang tanungin naman kung ang FDA ay nakatanggap na ng anuman mula sa Pfizer na interesado sila na makakuha rin ng full approval mula sa gobyerno.
“But we already sent them the requirements and process for COVID-19 vaccine registration,” sabi ni Domingo.
Matatandaang noong Mayo, sinabi ni Domingo na ang application para sa full approval nito ay pinakamaaga na maaari nilang mai-file nang mga huling buwan ng 2021.
“Maaari na po siyang ibenta hindi lamang sa gobyerno katulad ngayon, kundi [pati] sa mga ospital, sa mga clinic, sa mga pharmacy, maaari na rin pong i-distribute ‘yan,” saad ni Domingo noon sa isa ring interview.
Ayon pa sa FDA chief, posibleng simulan na ng Pfizer na humingi ng full approval ng kanilang COVID-19 vaccine sa iba pang mga bansa.
“So ‘yun pong mga EUA natin, after one year ‘yan, mag-e-expire na po lahat ‘yan at ang maaari na lamang gamitin ay mga fully approved product,” paliwanag pa ni Domingo.