ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 30, 2021
Isasailalim ang National Capital Region (NCR) sa general community quarantine (GCQ) “with heightened restrictions” simula sa July 30 hanggang Agosto 5 at isasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) simula sa Agosto 6 hanggang 20.
Saad ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “Hindi po naging madali ang desisyon na ito. Maraming oras ang ginugol para pagdebatehan ang bagay na ito dahil binabalanse po natin ‘yung pagpapabagal ng pagkalat ng COVID-19 dahil sa Delta variant at ang karapatan natin na mabuhay at maiwasan, mabawasan ang hanay ng mga nagugutom. Pero matapos po ang matinding debate, kinakailangang magkaroon ng desisyon… masakit na desisyon po natin ito dahil alam nating mahirap ang ECQ pero kinakailangang gawin po natin ito para maiwasan ang kakulangan ng mga ICU beds at iba pang hospital requirements kung lolobo po talaga ang kaso dahil nga po sa Delta variant.
“Sa huli, ang inisip ng lahat ay ang kailangang gawin, ang mahirap na desisyon na ito, para mas maraming buhay ang mailigtas.”
Samantala, simula bukas ay bawal na ang mga dine-in services at al fresco dining sa mga restaurants, eateries, atbp..
Limitado naman sa 30% capacity ang mga personal care services katulad ng beauty salons, parlors, barbershop, at nail spas.
Pansamantala ring ipagbabawal ang operasyon ng mga indoor sports courts and venues, indoor tourist attractions, at specialized markets ng DOT.
Saad pa ni Roque, “Pinapayagan naman ang mga outdoor tourist attractions hanggang 30% venue capacity.”
Ang mga authorized persons outside residences (APORS) lamang ang maaaring bumiyahe sa labas at loob ng NCR Plus na binubuo ng Laguna, Cavite, Bulacan, at Rizal.
Muli ring ipagbabawal ang mass gatherings.
Saad pa ni Roque, “Tanging virtual gatherings lang po ang pinapayagan.
“Ang lamay at libing ng mga namatay na ang dahilan ay hindi COVID-19 ay pinapayagan pero ito po ay para sa mga immediate family members lamang.”