ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 7, 2021
Umabot sa 1,848 ang nahuli sa paglabag sa ipinatutupad na curfew hours sa Metro Manila sa pagsasailalim sa rehiyon sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa banta ng COVID-19 Delta variant, ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar noong Sabado.
Ani Eleazar sa isang panayam, "Base sa ulat na na-receive natin, there was a total of 1,848 accosted na violator.
"Six hundred five ang binigyan ng warning. At para magmulta, mayroong 1,235. At merong walo pa na for community service.”
Hanggang sa Agosto 20 epektibo ang ECQ sa Metro Manila at ang curfew hours ay tuwing 8 PM hanggang 4 AM.
Saad pa ni Eleazar, "Malaking bagay ang curfew para malimitahan ang paglabas ng mga tao."
Pinaalalahanan din ni Eleazar ang mga authorized persons outside residence (APOR) na bibili ng essential goods na lumabas ng bahay sa oras na hindi aabot sa curfew.
Aniya pa, "Consumer APOR, dapat i-avail lang during the period na walang curfew."
Ang mga driver naman ng pampublikong transportasyon na nahuling lumalabag sa ipinatutupad na mga health protocols kabilang na ang “one seat apart” rule ay binigyan din ng mga ticket habang ang mga hindi APOR ay pinauwi.
Ang mga hindi naman nakasuot ng face shields sa mga pampublikong transportasyon ay pinababa ng sasakyan.
Saad pa ni Eleazar, "Hindi muna prayoridad ang pagkuha ng temperatura ng mga dumadaan sa mga checkpoint dahil ina-assume na natin na kapag APOR ka at ikaw ay lumabas, dapat maayos ang iyong pakiramdam.
"Posibleng makabagal lamang sa daloy ng trapiko ang paglalagay ng thermal scanner sa mga quarantine control points.”