top of page
Search

ni Lolet Abania | July 30, 2021



Maglalabas pa lamang ang Malacañang ng guidelines hinggil sa cash aid at public transportation sa Metro Manila kaugnay ng muling pagsasailalim nito sa pinakamahigpit na quarantine protocol sa loob ng dalawang linggo ng Agosto sa gitna ng panganib ng Delta COVID-19 variant.


Ang Metro Manila ay isasailalim sa enhanced community quarantine mula Agosto 6 hanggang 20 na sa nasabing protocol, essential trips at services lamang ang pinapayagan.


“We expect to grant the same amount of cash aid earlier given to Iloilo province, Iloilo City and Gingoog City, and I have talked to Budget Secretary Wendel Avisado and he told me, hahanapan at hahanapan ng paraan,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang interview.


Tinukoy ni Roque ang mga lugar na nasa ilalim ng ECQ mula Hulyo 16 hanggang Agosto 7, na ang tugon aniya ng gobyerno mula sa kasalukuyang polisiya ay magbibigay ng cash aid sa mga mahihirap na pamilya sa ECQ areas.


Nasa P1,000 kada tao o maximum na P4,000 cash aid kada pamilya ang ayuda na inaprubahan nitong Hulyo 29.


“The President will not allow an ECQ implementation na walang ayuda ang mamamayan,” sabi ni Roque.


Matatandaang nang unang ipinatupad ang ECQ sa NCR noong Marso 16 hanggang May 14, 2020, ang mga public transportation ay ipinagbabawal.


Nang ang NCR ay muling isailalim sa ECQ mula Marso 29 hanggang Abril 11, 2021, ang mga empleyado ng essential at non-essential sectors ay pinayagang pisikal na mag-report sa trabaho at naglaan ng public transportation subalit limitado lamang.


Sa ngayon, hindi masabi ni Roque kung papayagan pa rin ang pampublikong transportasyon kapag sumailalim muli sa ECQ.


“We will let the Transportation department decide on this, may panahon pa naman,” wika ng kalihim.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 7, 2021




Sinuspinde ng Bacoor, Cavite ang pamimigay ng ayuda sa mga indibidwal at pamilyang naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang kawani ng lungsod na naging dahilan upang isarado ang city hall.


Ayon kay Mayor Lani Mercado-Revilla ngayong umaga, Abril 7, “Naalarma lang kami kagabi nang tumawag ang department head ng City Treasurer’s Office dahil may isa kaming empleyado na nagkaroon ng senyales na COVID positive.”


Ipinaliwanag niyang kasado na ang pamimigay nila ng ayuda ngayong araw, ngunit nagpasya silang ipagpaliban muna dahil sa posibleng pagkalat ng virus, lalo na sa tanggapan ng nangangasiwa sa ayuda.


Giit pa niya, “Aayusin po muna namin ang sitwasyon sa City Treasurer’s Office. Sana po, maintindihan ng ating mga kababayan ‘yung proseso. Hindi po ganu'n-ganu'n na ibang tao na lang magdi-distribute ng pera. May mga sistema po. May proseso kaya umaapela po kami sa ating mga kababayan.”


Sa ngayon ay pumalo na sa 1,367 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod. Puno na rin aniya ang mga ospital at mahaba pa ang listahan ng mga nasa waiting list.


“We will be writing a letter to the DSWD 4A para banggitin na suspendido muna for the next few days ang atin pong pagbibigay ng ayuda and we will appeal for an extension dahil po talagang ‘di po biro ito,” sabi pa ni Mayor Lani.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page