ni Lolet Abania | September 29, 2021
Ipinahayag ng Employees’ Compensation Commission (ECC) ngayong Miyerkules na ang mga manggagawa na tinamaan ng COVID-19 sa ilalim ng tinatawag na job-related circumstances ay makakatanggap ng tinatayang P10,000.
Sa isang interview kay ECC senior information officer Alvin Garcia, sinabi nitong ang naturang assistance ay hiwalay sa mga benepisyo mula sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS).
“They can receive cash assistance benefit. Sa ngayon, fixed siya na P10,000 for sickness claim, P15,000 for death claim,” ani Garcia. Ayon kay Garcia, para naman sa mga tinamaan ng COVID-19 noong nakaraang taon ay maaari pa ring maka-avail ng cash aid.
Gayunman, paliwanag ni Garcia, ang mga empleyado na nakasakop sa tinatawag na work-from-home arrangement simula ng implementasyon ng community quarantines ay hindi covered ng cash assistance ng ECC.
Sinabi naman ni Garcia na pinag-aaralan na sa ngayon ng mga medical experts ang coverage para sa work-from-home employees na nagkaroon ng COVID-19.
Ang mga requirements para sa P10,000 cash assistance ay ang mga sumusunod:
• ang accomplished forms na downloadable mula sa mga websites ng ECC, SSS, GSIS
• certificate of employment na naka-indicate ang huling petsa na nag-report sa trabaho bago ang infection ng empleyado
• swab test result
• medical certificate o quarantine clearance
• dalawang valid IDs Noong Abril, inaprubahan ng ECC ang inclusion o pagsama ng COVID-19 sa kanilang listahan ng occupational at work-related compensable diseases.