top of page
Search

ni Mylene Alfonso | April 14, 2023




Naglabas ng kabuuang P1.1 bilyong pondo ang Department of Budget and Management (DBM) sa National Food Authority (NFA) para sa one-time rice assistance sa lahat ng mga kwalipikadong empleyado at manggagawa sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.


Sa isang pahayag, sinabi ng DBM na inaprubahan ni Secretary Amenah Pangandaman ang P1,182,905,000 Special Allotment Release Order (SARO) at kaukulang Notice of Cash Allocation (NCA) noong Abril 12, 2023.


Inihayag ng Budget Department na makikinabang sa rice assistance ang 1,892,648 government workers, kabilang ang Job Order (JO) at Contract of Service (COS) personnel.


Una nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang Administrative Order No. 2 na nagbibigay ng one-time assistance na uniform quantity na 25 kilo ng bigas para sa lahat ng kwalipikadong empleyado.


Nabatid na ibibigay ang rice assistance sa mga empleyado na nagbigay serbisyo hanggang noong Nobyembre 30, 2022.


 
 

ni Lolet Abania | May 16, 2022



Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11701, ang pagkakaloob ng night shift differential pay para sa mga empleyado ng gobyerno kabilang na rito ang mga government-owned or -controlled corporations (GOCCs), ayon sa inilabas na kopya ng Malacañang ngayong Lunes.


Sa ilalim ng Republic Act 11701, ang pagbibigay ng night shift differential ay hindi lalampas sa 20 percent ng tinatawag na hourly basic rate ng isang empleyado para sa bawat oras ng ginagawang trabaho nito sa pagitan ng alas-6:00 ng gabi at alas-6:00 ng umaga.



Nakasaad sa naturang batas na kabilang sa mga babayaran ang mga, “government employees occupying position items from Division Chief and below, or their equivalent, including those in government-owned or -controlled corporations, whether the nature of their employment is permanent, contractual, temporary, or casual.”


“The night shift differential pay provided under this Act shall be in addition to and shall not in any way diminish whatever benefits and allowances are presently enjoyed by government employees,” pahayag nito.


Una nang sinabi ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. na ang lehislasyon ay epektibong inamyendahan ang Magna Carta ng Public Health Workers, na nagbibigay sa mga public health workers para sa 10 percent lamang ng kanilang regular wage bilang night shift differential pay.


“Umaasa po kami na sa pamamagitan ng batas na ito ay mabibigyan natin ng karampatang benepisyo ang ating mga lingkod bayan, kasama na ang mga public health care workers,” ani Revilla noong Pebrero.


Hindi naman sakop ng RA 11701 ang mga sumusunod:


* Mga government employees na ang iskedyul ng office hours ay pumatak sa pagitan ng alas-6:00 ng umaga at alas-6:00 ng gabi. Ang mga serbisyo na lumampas sa regular 8-hour work schedules ay babayaran ng overtime pay.


* Mga government employees na ang mga serbisyo ay required, o mga on call, 24 oras sa isang araw, gaya ng uniformed personnel na mga military, police, jail bureau, ang Bureau of Fire Protections, at iba pa na maaaring idetermina ng Civil Service Commission (CSC) at ng Department of Budget and Management (DBM). Inatasan naman ang CSC at DBM na bumuo ng nararapat na patakaran at panuntunan hinggil dito.

 
 

ni Lolet Abania | March 2, 2022



Inanunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mahigit sa 600,000 manggagawa ang nakabalik na sa kanilang mga trabaho nitong Lunes, bago pa isinailalim ang National Capital Region (NCR) at 38 iba pang lugar sa bansa sa Alert Level 1.


Sa isang interview kay DOLE Secretary Silvestre Bello III ngayong Miyerkules, sinabi nitong inasahan na rin nila na tataas pa ang bilang ng mga manggagawang balik-trabaho kapag ibinaba na ito sa naturang alert level system.


“As of Monday, may nakabalik nang, hindi naman exact ito, more than 600,000 ang nakabalik na. We expect na marami pang babalik kasi full operation na,” ani Bello.


Sa ilalim ng Alert Level 1, ang lahat ng establisimyento, mga indibidwal, o aktibidad, ay pinapayagan na mag-operate, magtrabaho, o ipatupad ang full on-site o venue/seating capacity subalit dapat na isinasagawa pa rin ang minimum public health standards.


Ipinaliwanag naman ni Bello na ang mga empleyado na nasa work-from-home arrangements na babalik na sa kanilang mga trabaho o onsite work, subalit unvaccinated pa laban sa COVID-19, ay mananatiling required na magprisinta ng negative RT-PCR test result kada dalawang linggo.


“’Yun ang desisyon namin sa IATF. Kung hindi ka bakunado, puwede ka pumasok kaya nga lang for the protection naman ng mga coworkers mo and especially of the workplace, magpa-swab ka para natitiyak na pagpasok mo negative ka,” giit ng opisyal.


“Otherwise, biro mo, kung may isang nakapasok, eh ‘di ubos ang buong workforce mo,” dagdag pa ni Bello. Samantala, inamin ni Bello na ang P537 minimum wage para sa NCR employees ay masyadong maliit.


Gayunman, ayon sa kalihim, ang adjustment ng minimum wage ay nakadepende sa assessment ng regional wage board, habang kinukonsidera rin nila ang kapasidad ng mga employers para mag-increase ng mga sahod ng kanilang mga empleyado.


“Personally, talagang medyo maliit na ‘yung P537 dito sa Metro Manila. Pero ang isang pinakamahalagang i-consider natin ay kaya ba ng mga employers,” sabi pa ni Bello.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page