ni Madel Moratillo | June 18, 2023
Nais ng ilang dating opisyal ng gobyerno at eksperto pagdating sa information technology na madiskwalipika ang Smartmatic sa gagawing bidding para sa bagong makina na gagamitin sa 2025 midterm polls.
Kabilang sa mga petitioner sina dating Department of Information and Communications Technology Undersecretary at dating Commissioner ng National Telecommunications Office na si retired Brigadier General Eliseo Rio, Jr., dating Comelec Commissioner at NAMFREL President Augusto Lagman; Franklin Isaac, isang software app developer at dating presidente ng Financial Executives Institute of the Philippines at dating AFP Colonel Leonardo Odoño.
Nag-ugat ang petisyon sa natuklasang seryoso umanong iregularidad sa ginanap na automated election system noong May 2022 kung saan ang ginamit ay makina ng Smartmatic.
Sa kanilang petisyon, sinabi nila na may mga nakitang discrepancies o pagkakaiba sa mga transmission logs at reception logs ng election returns mula sa mga presinto na tinanggap ng transparency server ng poll body.
0Hindi rin umano nagtutugma ang transmission at reception logs ng transparency server.
Nais nilang repasuhin ng poll body ang kwalipikasyon ng Smartmatic at kung mabibigo ang kumpanya na ipaliwanag nang maayos ang mga nakitang isyu ay idiskwalipika ito sa bidding.