ni Jasmin Joy Evangelista | October 5, 2021
Inatasan ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na magsagawa ng accounting sa lahat ng police personnel na may mga kamag-anak na tatakbo sa nalalapit na 2022 elections.
Ayon kay Eleazar, pag-aaralan nila ang paglipat sa mga personnel sa ibang assignment o ibang lugar kung saan wala silang kamag-anak na kakandidato.
Ito ay upang maiwasan ang mga reklamo tungkol sa mga pulis na nangangampanya umano para sa kanilang kamag-anak na sakop sa kanilang area of responsibility, tulad ng natanggap nilang hinaing noong nakaraang eleksiyon.
Giit ni PNP Chief, ayaw na nitong maulit na may mga reklamo na may kinikilingang pulitiko ang ilan sa kanilang mga tauhan.
Muling binigyang-diin ni Eleazar na ang PNP ay mananatiling apolitical.