ni Jasmin Joy Evangelista | October 10, 2021
Willing daw na magpa-substitute si Sen. Bato dela Rosa kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagtakbo sa pagka-pangulo kung magbabago ang isip ng alkalde at mapagdesisyunang tumakbong presidente sa 2022.
Sa isang panayam, tila walang isyu kay Sen. Bato kung papalitan siya ni Duterte-Carpio bilang standard bearer ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban)- Cusi wing.
“Everything is possible,” aniya, basta legal at suportado ng kanyang party mates ang substitution.
“By all means, magi-give way ako. As I have said, hindi ko personal na desisyon na tumakbo, desisyon ito ng partido”, pahayag ni Dela Rosa.
“Hindi naman siguro dapat kinukuwestiyon pa kung legal na paraan ‘yung pag-substitute. Anything can happen,” dagdag niya.
Matatandaang nag-file ng certificate of candidacy sa pagkapangulo si Sen. Bato dela Rosa noong huling araw ng filing ng COC.
Inamin din niya na maging siya ay nagulat sa plano ng kanyang party mates dahil sinabi lamang ang planong pagpapatakbo sa kanya pasado alas-3:00 ng hapon noong Oktubre 8.
Ngunit sinabi niya na matagal na raw pinag-iisipan ng kanyang party mates na siya ang gawing standard bearer ng partido, kabilang sina Sen. Bong Go at Sen. Francis Tolentino, para ipagpatuloy ang “Duterte legacy”.
“Basta ako hindi ako umaatras. I am a good soldier, give me the instruction to do this, and I’ll do it. So andito na tayo, ani Sen. Bato.