ni Jasmin Joy Evangelista | November 12, 2021
Posibleng sa kalagitnaan ng buwan ng Disyembre na mailalabas ng COMELEC ang pinal na listahan ng mga tatakbo para sa 2022 national at local elections dahil na rin sa mga nakabinbin pang reklamo gaya ng kanselasyon ng mga certificate of candidacy (CoC) sa ilang mga kandidato.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, nasa 91 ang mga petisyon na tatalakayin ng komisyon bago ang final printing ng mga balota sa Disyembre.
Aniya, ang mga petisyon ay kinabibilangan ng mga tatakbo sa pagka-pangulo, bise presidente, senators at partylist representatives.
Samantala, kahit marami raw ang maghahain ng kanilang withdrawal o magsa-substitute ay hindi na papalawigin pa ng Comelec ang itinakdang deadline sa Lunes.
Mananatiling bukas ang mga tanggapan ng Comelec kahit Sabado pero sarado sa Linggo at muling magbubukas sa Lunes o ang mismong deadline para sa withdrawal ng kandidatura.