by Info @Editorial | Oct. 3, 2024
Kasabay ng umaarangkadang paghahain ng Certificate of Candidacy, umabot naman sa 42 partylist groups ang inalis ng Commission on Elections (Comelec) o kinansela ang rehistrasyon para sa 2025 elections.
Sa Memorandum No. 241119 ng Comelec, ang mga grupo o koalisyon ay inalis sa listahan dahil hindi nakasali sa nagdaang dalawang halalan.
Samantala, may grupo naman na bigong makakuha ng at least 2% ng mga boto sa partylist system at hindi nakakuha ng upuan sa second round ng seat allocation sa nakalipas na dalawang halalan.
Mayroong 160 partylist organizations ang kasali sa 2025, at 42 sa mga ito ay bagong grupo.
Mahalaga ang papel ng mga partylist sa sistema ng pamahalaan.
Gayunman, hindi maikakaila na marami sa mga ito ay hindi tunay na kumakatawan sa mga sektor na kanilang sinasabing pinapangalagaan.
Kailangan nating suriin kung sino ang talagang nagtataguyod ng interes ng mga marginalized at disadvantaged na grupo.
Ang mga partylist na tunay na kinatawan ng sektor ay ang mga may malinaw na plataporma at may kakayahang ipaglaban ang karapatan at kapakanan ng kanilang mga constituent.
Sila ay dapat na may koneksyon sa mga komunidad, nakikinig sa kanilang mga hinaing, at aktibong nakikilahok sa mga isyu na tumutukoy sa kanilang sektor.
Bagama’t sa ating karanasan, maraming partylist ang naliligaw ng landas. Madalas na ang mga ito ay nagiging daluyan lamang ng interes ng mga mayayamang pulitiko at hindi ng mga tunay na pangangailangan ng masa.
Ang mga sektor ay dapat magkaroon ng sapat na kaalaman sa kanilang mga karapatan at sa mga obligasyon ng kanilang mga kinatawan. Sa ganitong paraan, mas madali nating matutukoy kung sino ang talagang naglilingkod sa ating bayan.
Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa atin. Bilang mga botante, responsibilidad nating piliin ang mga partylist na tunay na kumakatawan at naglilingkod at ibasura ang mga walang silbi at korup.