top of page
Search

by Info @Editorial | Oct. 3, 2024



Editorial

Kasabay ng umaarangkadang paghahain ng Certificate of Candidacy, umabot naman sa 42 partylist groups ang inalis ng Commission on Elections (Comelec) o kinansela ang rehistrasyon para sa 2025 elections. 


Sa Memorandum No. 241119 ng Comelec, ang mga grupo o koalisyon ay inalis sa listahan dahil hindi nakasali sa nagdaang dalawang halalan.


Samantala, may grupo naman na bigong makakuha ng at least 2% ng mga boto sa partylist system at hindi nakakuha ng upuan sa second round ng seat allocation sa nakalipas na dalawang halalan.


Mayroong 160 partylist organizations ang kasali sa 2025, at 42 sa mga ito ay bagong grupo.


Mahalaga ang papel ng mga partylist sa sistema ng pamahalaan. 


Gayunman, hindi maikakaila na marami sa mga ito ay hindi tunay na kumakatawan sa mga sektor na kanilang sinasabing pinapangalagaan. 


Kailangan nating suriin kung sino ang talagang nagtataguyod ng interes ng mga marginalized at disadvantaged na grupo.


Ang mga partylist na tunay na kinatawan ng sektor ay ang mga may malinaw na plataporma at may kakayahang ipaglaban ang karapatan at kapakanan ng kanilang mga constituent. 


Sila ay dapat na may koneksyon sa mga komunidad, nakikinig sa kanilang mga hinaing, at aktibong nakikilahok sa mga isyu na tumutukoy sa kanilang sektor.


Bagama’t sa ating karanasan, maraming partylist ang naliligaw ng landas. Madalas na ang mga ito ay nagiging daluyan lamang ng interes ng mga mayayamang pulitiko at hindi ng mga tunay na pangangailangan ng masa. 


Ang mga sektor ay dapat magkaroon ng sapat na kaalaman sa kanilang mga karapatan at sa mga obligasyon ng kanilang mga kinatawan. Sa ganitong paraan, mas madali nating matutukoy kung sino ang talagang naglilingkod sa ating bayan.


Ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa atin. Bilang mga botante, responsibilidad nating piliin ang mga partylist na tunay na kumakatawan at naglilingkod at ibasura ang mga walang silbi at korup.


 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | November 20, 2023




Diretsong nagpahayag si Vice-President Sara Duterte nitong Linggo na wala siyang interes na tumakbo sa pagka-pangulo sa darating na national elections sa 2028.


Aniya, hindi na lingid sa kaalaman ng mga tao na hindi niya gustong tumakbo sa pagka-presidente sapagkat nagpahayag na siya noon na hindi siya interesado sa puwesto.


Dagdag pa niya, maaayon lang sa plano ng Diyos ang mga posibilidad.


“Lahat ng ginagawa natin—we can only plan, but it will truly be God’s plan that will prevail,” saad ng pangalawang pangulo.


Matatandaang isa sa mga malalakas na pangalang nanguna sa ginawang survey ng Social Weather Station nu’ng Hunyo ang pangalan ng bise presidente na napipisil ng mga taong papalit kay Presidente Bongbong Marcos Jr.


 
 

ni Angela Fernando - Trainee @News | November 2, 2023




Hindi makakatanggap ng karagdagang bayad ang mga gurong nag-overtime para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) dahil sa kakulangan sa badyet at sa patakarang nilapag ng Commission on Audit (COA).


Ito ang tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) sa kabila ng hiling ng Teachers Dignity Coalition (TDC) na bigyan ng pondo ang poll body para sa overtime pay ng mga guro.


Isang sulat ang ipinadala ng TDC National chairperson na si Benjo Basas kay Comelec Chairperson George Garcia nu'ng Oktubre 31 kung saan hinikayat nila ang Comelec na magbigay ng opisyal na resolusyon para sa overtime pay ng mga guro.


Ngunit ayon kay Garcia, kahit pa gustuhin ng ahensiya na magbigay ng dagdag na bayad, may ibinaba ang COA-DBM circular na nagsasabing ang mga empleyado lang ng isang ahensiya ang maaaring humiling ng overtime pay, at kulang din umano ang badyet na kanilang natanggap para rito.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page