ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 15, 2021
Dalawampu't isa ang patay at 3 ang sugatan matapos salpukin ng truck ang isang bus sa southern Egypt noong Martes, ayon sa awtoridad.
Sa highway sa southern province ng Assiut naganap ang insidente kung saan nag-overtake diumano ang bus sa truck na naging dahilan ng pagkakabanggaan ng dalawa. Parehong nagliyab ang dalawang sasakyan, ayon kay Assiut Gov. Essam Saad.
Kaagad namang isinugod sa ospital ang mga biktima.
Ayon sa awtoridad, under reconstruction ang naturang kalsada kung kaya’t walang traffic signs.
Tinatayang aabot sa 18 katao ang nasunog at ang dalawang drivers ay kabilang din sa mga pumanaw.
Samantala, ayon sa ulat, madalas nagaganap ang traffic accidents sa Egypt at base sa statistics ng naturang bansa, tinatayang aabot sa 10,000 ang naitalang road accidents noong 2019 kung saan 3,480 ang namatay.