ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 26, 2023
Pagdating sa datos at pagsasaliksik, mahalaga na magkaroon tayo ng check and balance upang masuri nating maigi ang kalidad ng edukasyon sa bansa.
Kaya naman maghahain ang inyong lingkod ng isang panukalang batas na layong magtatag ng isang hiwalay na ahensya na siyang magsasagawa ng assessment sa performance ng ating mga kabataang mag-aaral pagdating sa edukasyon.
Kung titingnan nating maigi, ito ang kasalukuyang proseso: ang Department of Education (DepEd) ang bumubuo at nagpapatupad ng curriculum, ito rin ang nagsasagawa ng assessment, sumusuri sa datos, at batay sa mga nagiging resulta ng pag-aaral, mismong DepEd din ang nagwawasto sa sarili nito. Bakit kailangan pang iwasto ng DepEd ang sarili nito kung ito rin mismo ang gumagawa at nagpapatupad ng curriculum? Kaya marapat lamang na magkaroon ng isang independent body na siyang magsasagawa ng assessment, susuri ng mga resulta, at magbibigay ng mga rekomendasyon sa DepEd.
Isang halimbawa nito ang Australia. Mayroon silang National Assessment Program-Literacy and Numeracy (NAPLAN) na sumusukat at sumusuri sa literacy at numeracy ng mga batang Australians. Ang NAPLAN ay itinatag ng Australian Curriculum, Assessment and Reporting Authority, isang hiwalay na tanggapan para sa pagbuo ng national curriculum, national assessment program, at national data collection and reporting program.
Sa Finland naman, isinasagawa ng Finnish Education Evaluation Centre (FINEEC) ang mga evaluation mula early childhood education hanggang sa kolehiyo. Isang malayang ahensya ang FINEEC na ginagabayan ng national education evaluation plan ng Finland.
Taong 1991 pa noong magbigay ang unang Congressional Commission on Education (EDCOM I) ng rekomendasyon na lumikha at magkaroon ng isang malayang national testing and evaluation agency na bubuo, magsasagawa, at magsusuri sana ng mga national achievement tests.
Inirekomenda rin ng EDCOM I noon na magsasagawa at susuri rin sana ng pinaplanong independent body ng iba pang mga test o pagsasanay sa kakayahan, talino, personalidad, equivalency, at mga pambansang scholarships. Nakakalungkot lang na hindi naisakatuparan ang pagbuo ng ahensyang ito.
Ang problema sa atin ay wala tayong organisado at sentralisadong data bank sa kabila ng pagsasagawa ng maraming mga test tulad ng Early Language, Literacy and Numeracy Assessment (ELLNA), National Achievement Test (NAT), Comprehensive Rapid Literacy Assessment (CRLA), Philippine Informal Reading Inventory (PHIL-IRI), at iba pa.
Wala tayong regular at sistematikong pagsusuri ng assessment data upang magabayan ang mga kasalukuyang polisiya sa edukasyon. Hindi rin ibinabahagi sa publiko ang mga assessment dataset para sa pagsusuri, bagay na nagdudulot ng kawalan ng malinaw at napapanahong feedback mechanism sa datos ng assessment ng mga mag-aaral, mga guro, mga eksperto, mga policymakers, at iba pang mga katuwang sa edukasyon.
Marami ang kailangang ayusin pagdating sa pagsusuri ng kakayahan at performance ng kabataang Pilipino sa kanilang pag-aaral. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, tungkulin kong maiangat ang kalidad ng kanilang pagkatuto. Sa pamamagitan ng angkop na mga panukala at polisiya, sisikapin nating matupad ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com