top of page
Search

ni Angela Fernando - Trainee @News | November 29, 2023




Binigyang-diin ni National Security Adviser Eduardo Año nitong Miyerkules, na ang hiling na pagtigil sa pagtawag na 'terorista' sa mga rebeldeng komunista ay dapat dumaan sa proseso.


Aniya, hindi basta-basta matatanggal ang pagkakakilanlang iyon sa mga rebelde dahil ang kalakaran sa peace settlement ay kailangan na tuluyan na nilang abandunahin ang paghawak ng armas.


Matatandaang nagkasundo ang pamahalaan ng 'Pinas at ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na ituloy ang natigil na negosasyong pangkapayapaan.


Pinirmahan ng kanilang mga kinatawan ang isang pahayag na naglalaman ng resolusyon para sa armadong tunggalian.


Nanawagan din ang Communist Party of the Philippines (CPP) kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na bawiin ang 'terrorist designation' ng CPP, NDFP, at ng New People's Army (NPA).

 
 

ni Lolet Abania | May 16, 2022



Ipinahayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong Lunes na ang operasyon ng “Peryahan ng Bayan” ay nananatiling suspendido sa gitna ng mga reports na nagbukas na ang mga ito sa maraming lugar sa bansa.


Sa isang statement, nagbigay na ng direktiba si DILG Secretary Eduardo Año sa Philippine National Police (PNP) at local government units (LGUs) para i-monitor at paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na aktibidad.


“Suspendido pa rin po ang operasyon ng Peryahan ng Bayan kaya inaatasan ko ang PNP na ipagpatuloy ang maigting na kampanya para supilin ang lahat ng uri ng illegal gambling, kasama na ang PnB,” ani Año.


Ayon sa DILG ang operasyon ng Peryahan ay nagpatuloy na sa maraming lugar dahil sa ilang operators ay nagpapakita umano ng writ of execution na inisyu ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 161 noong Enero 24, 2020 sa mga awtoridad para payagan ang mga ito na mag-operate.


Gayunman, sa parehong korte rin na-recall ang writ of execution noong Pebrero 18, 2020 batay sa memorandum na inisyu ng Office of the President at ang urgent manifestation na inihain ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).


Noong Enero 29, 2020, nag-isyu si Executive Secretary Salvador Medialdea ng isang memorandum sa PCSO para linawin na ang mga operasyon ng Peryahan ng Bayan ay nananatiling suspendido.


“Unless the said order is overturned by the same court or court of higher jurisdiction, the recall order is effective and should be implemented. Hence, the operations of Peryahan ng Bayan are still suspended,” sabi ni Año.

 
 

ni Lolet Abania | February 17, 2022



Sisimulan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang paghahanap sa mga sari-sari stores na nagbebenta ng mga medisina at mga pekeng gamot na ipinagbabawal sa batas.


Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, inatasan na niya ang Philippine National Police (PNP) na arestuhin ang sinumang violators na magiging sangkot sa hindi awtorisadong pagbebenta ng mga gamot.


“Inatasan din natin ang PNP na siguraduhing hindi nagbebenta ng gamot ang mga sari-sari store at arestuhin ang sumusuway sa batas lalo na iyong mga naglalako ng pekeng gamot,” sabi ni Año.


Hinimok din ni Año ang mga local government units (LGUs) na mag-isyu ng mga ordinansa patungkol dito.


“LGUs should protect the health and general welfare of their constituents. We, therefore, urge LGUs to ensure that sari-sari stores within their jurisdictions are not selling any medicine because under the law, hindi sila awtorisado,” sabi ni Año sa isang statement.


Una nang ini-report ni Food and Drug Administration (FDA) officer in charge Director General Oscar Gutierrez Jr. na tinatayang nasa 185 sari-sari stores mula sa National Capital Region, Region IV-A at Region V, ang nabatid na nagbebenta ng mga medisina, kabilang na ang mga COVID-19 related drugs.


Katuwang ang FDA, ayon kay Año, magpapalabas siya ng isang Memorandum Circular (MC) sa mga LGUs para matigil na ang pagbebenta ng mga gamot sa mga sari-sari stores at ibang mga outlets na walang FDA authorization.


“Sisiguraduhin natin na aaksyunan ito ng ating mga LGUs at ng ating kapulisan dahil kalusugan at kapakanan ng ating mga kababayan ang nakataya rito,” sabi pa ni Año.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page