ni Mary Gutierrez Almirañez | February 25, 2021
Ipinagdiriwang ngayong araw, Pebrero 25, ang ika-35 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa monumento ng mga bayani sa EDSA White Plains, na may temang “EDSA 2021: Kapayapaan, Paghilom, Pagbangon”.
Labing-limang minuto ang itinagal ng programa na pinangunahan nina Quezon City Mayor Joy Belmonte at Dr. Rene Escalante, Chairman of National Historic Commission of the Philippines. Pinaka-highlight ng programa ay ang pag-aalay ng panalangin at pag-awit ng Bayan ko at Magkaisa.
Habang isinasagawa ang programa ay mahigpit pa ring ipinapatupad ang health protocol dahil sa patuloy na banta ng COVID-19. Kaagad nilalapitan at sinisita ng mga pulis ang mga nakikitang lumalabag sa social distancing, bitbit ang yantok.
Kabilang sa mga nakilahok ay ang mga ordinaryong mamamayan, mga estudyante at mga vloggers.
Matatandaang ginanap ang mapayapang rebolusyon sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) noong 1986 upang wakasan ang dalawang dekadang pamumuno ng dating pangulong Ferdinand Marcos sa bansa.