ni Lolet Abania | February 7, 2022
Nagsagawa ang isang grupo ng EDSA Carousel bus drivers at kunduktor ngayong Lunes ng umaga ng kilos-protesta bilang apela ng mga ito para sa pagre-release ng kanilang mga suweldo sa Quezon City.
Naganap ang protest rally ng grupo ng mga drayber at kunduktor sa EDSA Kamuning, madaling-araw ngayong Lunes, dahil anila ito sa kanilang mga sahod na naantala simula pa noong Mayo 2021. Ayon sa grupo, nasa kabuuang P20 milyon ang kanilang ‘unreleased salary.’
Nagtalaga naman ng mga pulis para mapanatili ang peace-and-order, at tiyaking sumusunod ang mga protesters sa health at safety protocols, gayundin maging maayos ang daloy ng trapiko sa naturang lugar.
Isang protester naman ang nag-aakusa sa gobyerno na nakikipagsabwatan umano ang mga ito sa mga bus operators.
Gayunman, matapos ang maikling rally ng grupo sa EDSA Kamuning ay umalis din ang mga ito at nagmartsa naman patungo sa opisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Batay sa ulat, wala pa ring inilalabas na statement sa ngayon ang LTFRB at mga concerned bus operators hinggil sa isyu.