@Editorial | September 28, 2021
Sa gitna ng nararanasang pandemya, dumarami pang mga backyard hog raisers ang huminto sa kanilang operasyon dahil naman sa patuloy na pagpasok ng mga imported na karne ng baboy.
Sa dami ng mga pumapasok na imported pork ay nagreresulta ito ng pagbaba rin ng mga farm-gate prices.
Sa ngayon, umabot na umano sa P150 per kilo ang farm-gate price.
Kaugnay nito, nasa 30% ng mga backyard hog raisers ang posibleng hihinto na sa nasabing negosyo.
‘Pag nagkataon mas maraming pamilya ang lalong hindi na makababangon sa krisis. Paano na ang kabuhayan?
Matatandaang, dinagdagan ng gobyerno ang bilang ng mga pinapapasok na imported pork para matugunan ang kakulangan ng suplay matapos na dapuan ng African swine fever ang mga babuyan sa bansa.
Ang problema, umaaray naman ang ating mga local hog raisers.
Panawagan sa kinauukulan, pakinggan ang hinaing ng ating mga kababayang apektado ng pag-i-import hindi lang ng mga karne kundi ng iba pang produkto. Halos bumabaha ng mga imported products na bagsak-presyo nga, palpak naman ang kalidad. Sila lang ang kumikita, habang ang maliliit na negosyante sa bansa ang kawawa.
Huwag sanang dedmahin ang isyung ito dahil tayo rin ang kawawa sa dulo. Tangkilikin muna ang sariling atin bago iba, plis lang.