@Editorial | October 11, 2021
Nasa kabuuang 236,764 health protocol violators ang naitala ng PNP Joint Task Force COVID-Shield sa nagpapatuloy na implementasyon ng Alert Level 4 sa National Capital Region (NCR).
Sa nasabing bilang, 9,688 dito ang mga bagong reported violations.
Base sa record, mula September 16 hanggang October 7, ang average daily number of violators ay nasa 10,762.
May mga violators na binigyan ng warning, samantalang ang iba ay pinagmulta, habang meron ding binigyan ng parusa.
Sa totoo lang, parang marami na ang nakakalimot sa COVID-19.
Sabi nga ng iba parang nasapawan na ng pulitika bagama't kapansin-pansing tumataas na naman ang bilang ng mga nagpopositibo sa sakit.
Paulit-ulit na ipinaaalala na huwag magpakampante. Kahit maraming suplay ng bakuna, hindi pa rin ito kasiguraduhan na safe na.
Sa halip na magpabaya, mas dapat pang mag-ingat dahil unti-unti nang lumuluwag ang sitwasyon. Mas marami na ang pinalalabas, mas bata at mas matatanda.
Kung hindi tayo makikinig, huwag naman sana, babalik na naman tayo sa simula.
Asamin na natin ang mas malayang pamumuhay alang-alang sa ating mga anak.
Sila ang higit na kawawa dahil malaking bahagi ng kanilang buhay ang apektado.
Kayang-kaya na nating kontrolin ang sitwasyon kung lahat ay disiplinado at hindi pasaway.
Malapit na naman magpalit ng taon, huwag nating hayaang ganito na naman.