@Editorial | April 16, 2021
Habang tumatagal ang lockdown dulot ng COVID-19 pandemic, dumarami rin ang tambay.
Batay sa ulat ng gobyerno, pumalo na sa 1.5 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) na ipinatupad sa Metro Manila at apat na kalapit na probinsiya. Tinatayang P1.8 bilyon ang nawala sa ekonomiya dahil sa ECQ.
Bagama’t ibinaba na sa modified ECQ ang quarantine classification, marami pa rin ang hindi pa nakakabalik-trabaho at umaasa sa anumang raket na nasa paligid para maitawid ang bawat araw.
Marami pa rin ang nag-aabang na bumaba pa sa general community quarantine (GCQ), kung saan, balik-operasyon na ang mas maraming industriya.
Sa mahigit isang taon na walang katiyakan ang sitwasyon, marami sa ating mga kababayan ang tila nasanay na at talagang todo-diskarte na lang kung paano mapapakain ang pamilya at matutustusan ang mga gastusin. Batid nating tumigil ang hanapbuhay pero, hindi ang mga bayarin, sa halip nagpatung-patong lang.
Masasabing malaking tulong ang ayuda pero, dahil sa mga aberya at kontrobersiya parang lalo pang namroblema ang taumbayan. Marami ang hindi pa rin nakatatanggap, ‘yung iba, nakakuha nga, kulang naman. Ano’ng nangyari sa listahan, palpak na naman ba o may nangyayaring ‘magic?
Sadyang kasama na siguro ang ganyang isyu tuwing nagkakabigayan, sana lang ay dumating din pagkakataong maging mabilis at malinis ang pagbibigay-ayuda.
Para naman sa mga hindi nakatanggap, wala silang ibang magawa kundi umasa na lang sa sariling diskarte. Hindi puwedeng tambay forever o kung kailan wala nang lockdown saka lang kikilos.
Ang panawagan lang natin sa gobyerno, habang may kinahaharap tayong pandemic at marami ang nawawalan ng trabaho, mag-isip na tayo ng solusyon o alternatibo kaugnay nito.
Likas sa mga Pinoy ang pagiging masipag, matiyaga at madiskarte, kailangan lang ng alalay mula sa gobyerno.