@Editorial | April 23, 2021
Patuloy na lumalaganap ang konsepto ng “Community Pantry”.
Marami nang lugar sa Pilipinas pati sa ibang bansa ang na-inspire sa ‘Filipino bayanihan spirit’.
Masarap sa pakiramdam na makitang nagtutulungan ang bawat isa habang nasa gitna ng pandemya. Gayunman, ‘pag pumasok na ang pamumulitika at propaganda, hindi maiiwasan na mabahiran at pagsimulan na ng gulo.
Napag-alamang ang tinaguriang “community pantry” na ginawang popular sa isang barangay sa area ng UP ay pinangunahan umano ng mga aktibista.
Kaugnay nito, sinabi naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na okay lang magtayo ng community pantries ang grupong Makakaliwa, upang makatulong sa mga nangangailangan, pero kung bibigyan umano ng kulay-pulitika, magmimistulang propaganda na lamang ito.
Hanggang sa ilang videos at photos ang naglabasan online, kung saan makikita sa ilang community pantry stations na may namimigay ng babasahin na tila paglaban umano sa gobyerno at may nagsasalita sa mikropono na kinukuwestiyon ang pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng bayan.
Hindi tuloy maiwasan ng ilang netizens na magtanong kung ano ba ang layunin ng mga itinayong community pantries? Tila inuudyok umano ang taumbayan na mag-alsa laban sa gobyerno, at hindi para tulungan ang isa’t isa.
Usap-usapan din ang mga epal na pulitiko na imbes makisawsaw sa isyu sa community pantry ay atupagin na lang kung paano maitatawid nang mabilis ang ayuda.
Sa totoo lang, napakaganda ng ideya at konsepto ng community pantry, pinalalaganap nito ang totoong bayanihan at pagtutulungan. Huwag sanang babuyin, ‘wag haluan ng pamumulitika at propaganda, na walang ibang maidudulot kundi gulo.
Kung gusto nating tumulong, tumulong tayo nang tapat at walang hinihinging kapalit.