@Editorial | April 27, 2021
Nagpapatuloy ang bayanihan sa pamamagitan ng community pantry sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kasabay ng pagdagsa ng mga tao sa mga community pantries ay ang pagbuhos naman ng mga tulong mula rin sa ating mga kababayan. Ito naman talaga ang tunay na diwa ng community pantry — magtulungan.
Bagama’t sa ngayon, binabalot ito ng kontrobersiya matapos ang tinaguriang ‘birthday pantry’ ng isang aktres, kung saan isang senior citizen na pumila ang nasawi.
Kasunod nito, naglabasan na ang mga problema at posible pang maging isyu sa pagsasagawa ng mga community pantries. Una nang may nahuli sa curfew dahil sa pagpila nang maaga. Naglabasan din ang mga bata, buntis at senior citizens. May mga nasita rin sa paglabag sa social distancing, walang face mask at hindi wastong pagsusuot ng face shield — banta sa lalo pang pagkalat ng COVID-19.
Ngayong nakita na natin ang mga kakulangan, sana’y magsilbi na itong aral sa mga susunod pang gawain. Pilitin nating maitawid ang tunay na layunin at ‘yan ay ang pagtulong.
Kung may iba riyan na ang gusto lang ay magpabida o manggulo, manahimik na lang kayo.
Paalala naman sa mga walang sapat na kakayahan sa pag-ooraganisa ng community pantry, mas mainam na ipagkatiwala na lamang natin sa mga may alam. Tutal ang gusto naman natin ay makatulong, matuto rin tayong humingi ng tulong upang maging maayos at ligtas ang lahat.