@Editorial | April 29, 2021
Kasabay ang Labor Day o Araw ng mga Manggagawa sa Mayo 1, inanunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang alok na 26,000 local at overseas job opportunities.
Kaya hinihikayat ang mga aplikante na samantalahin ang online job fair.
Ayon sa ahensiya, may alok na local at overseas vacancies ang 567 employers na kabilang sa industriya ng manufacturing, business process outsourcing, health services, retail at construction.
Nasa 23,000 local vacancies naman ang binuksan ng 522 employers para sa production operators, factory workers, customer service representatives, nurses, cashiers, baggers, mason at karpintero.
Mahigit 3,000 overseas jobs naman ang alok ng 45 employers kabilang ang nurses, factory workers, mechanics, nursing aides/ healthcare assistants at cleaners.
Dahil sa banta ng COVID-19, gagawing virtual ang nasabing job fair.
Samantala, ang ika-119 Araw ng mga Manggagawa ay may temang, “Mayo Uno sa Bagong Panahon — Manggagawa at Mamamayan: Babangon, Susulong!”
Kailangan nating tanggapin na hindi na babalik ang dating sitwasyon. Tayo na ang mismong gagawa ng paraan kung paano mamumuhay sa banta ng COVID-19. Hindi puwedeng habambuhay tayong matatakot, magkukulong at maghihintay sa kung ano lang ang mangyari.
At maaaring ito na ang magandang simula para sa mga nawalan ng kayod dahil sa pandemya.
‘Ika nga, hangga’t may buhay, may pag-asa, tuloy ang pangarap para sa sarili at pamilya.