@Editorial | May 07, 2021
Hihilingin na sa Department of Health (DOH) at sa Professional Regulation Commission (PRC) na pahintulutan ang mga unregistered nurses na matugunan ang kakulangan ng health workers sa bansa.
Ang mga nagtapos ng nursing na hindi pa nakakapag-board exam dahil sa pandemic ay maaari umanong gamitin bilang complementary manpower para makatulong sa kakulangan ng mga medical frontliners.
Bagama’t wala pang lisensiya, pinag-aralan naman daw ng mga ito ang trabaho ng mga nurse. Kung saan, puwede raw silang magtrabaho sa ilalim ng pangangasiwa ng isang registered nurse o doktor at sa pamamagitan ng isang special arrangement sa pagitan ng PRC.
Sa pamamagitan nito, kahit paano ay matutulungan ang mga health workers sa laban sa COVID-19. Hindi naman kinakailangang bigyan sila ng mabigat na gawain lalo’t napakalaking responsibilidad ang pagtugo sa buhay, kundi ‘yung maging kaagapay lang ng mga doktor at rehistradong nurse ay napakalaking bagay na.
Matatandaang ipinagpaliban ng PRC ang nursing board exam ngayong taon na nakatakda sana sa May 30 at 31 alinsunod na rin sa hiling ng Philippine Nursing Association dahil pa rin sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19. Inilipat ang araw ng exam sa November 21 at 22, 2021.