@Editorial | May 10, 2021
Sa gitna ng COVID-19 pandemic, napakalaking tulong ng mga delivery companies at riders, na nagiging tulay sa paghahatid ng serbisyo.
Bukod sa naiiwasan ang pagkalat ng virus dulot ng paglabas ng karamihan, masasabing pinabibilis din nila ang takbo ng pamumuhay.
Ang problema, may mga pasaway naman na walang magawa sa buhay kundi ang mamerhuwisyo ng ibang tao—pati delivery, hindi pinatawad sa kalokohan.
Napapadalas ang reklamo sa fake bookings, partikular sa mga food services. O-order ng sangkatutak na pagkain pero, gagamit ng ibang pangalan at address. ‘Pag tinawagan, wala na, tipong nag-trip lang, pero hindi na nila naisip kung ano’ng perhuwisyo ang naidulot sa taong ginamit ang pangalan at lalo na sa nag-deliver na halos magkano lang ang kinikita at grabe pa ang pagod. Sino’ng matinong tao ang gagawa ng ganitong kalokohan?
Kaya muling napag-usapan ang isinusulong na mandatory registration ng mga prepaid SIM cards.
Sa ilalim ng House Bill No. 5793 o the Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act at Senate Bill No. 176 or the proposed SIM Card Registration Act, may laban na sa mga ganitong panloloko o kahalintulad na sitwasyon.
Isa sa mga requirements na hinahanap sa mga gagamit ay dapat magpakita ng mga valid ID at larawan bago mabigyan ng SIM Card.
Kung tuluyan itong maisasabatas at matututukan ang implementasyon, tiyak na mababawasan ang mga kalokohan at panlalamang sa kapwa.
Hindi lang ito makatutulong sa nauuso ngayong fake bookings kundi maging sa iba pang modus-operandi na nagtatago sa telepono ang mga pasaway.