@Editorial | May 18, 2021
Inilunsad kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang E-Sumbong na anila’y mas pinalakas na complaint referral and monitoring ng mamamayan.
Ito ay binubuo ng hotline, email address at Facebook account na dinevelop ng Information Communications Technology ng PNP.
Ang system ay automated at may supervision din dito ang Office of the Chief PNP kung saan makikita niya mismo ang report na naaksiyunan na at hindi pa.
Nilinaw naman na hindi tatanggalin ang existing PNP numbers nang sa gayon ay hindi magkaroon ng kalituhan.
Kaugnay nito, tiniyak din ng ahensiya na ang mga legitimate na reklamo lamang ang kanilang tutugunan. Kasabay ang babala sa mga pasaway o manloloko na sila’y hahabulin ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG).
Maganda ang layunin ng E-Sumbong, dahil mas magiging mabilis ang paghingi ng tulong sa mga awtoridad, maaaring mag-alinlangan ang mga kriminal na gumawa pa ng kalokohan, lalo na kung magiging mabilis din ang pagtugon ng kapulisan sa mga sumbong.
Sa totoo lang, napakarami nang programa, proyekto at inisyatibo ang gobyerno laban sa masasamang gawain, ang nagiging problema ay ang sistema. Sa umpisa ay talagang okay, mabilis ang tugon, solb agad ang problema, pero habang tumatagal, ang inaasahang tagalutas ay nagiging dagdag pa sa suliranin. Ang ending, magulo, sayang ang budget at nadismaya lang ang publiko.
Kaya sana, itong inilunsad na E-Sumbong, eh, talagang maging takbuhan ng mga biktima at masasalamin ang mabuting adhikain ng mga awtoridad, ang makapaglingkod-bayan.