@Editorial | March 3, 2023
Isa sa masasabing nagpapalala sa karamdaman ng tao ay ang hindi pagpapatingin sa doktor.
Marami sa ating mga kababayan ang natatakot magpa-checkup dahil sa gastos.
Kaya dapat itong mabigyan na ng pansin ng kinauukulan.
Sa ngayon, isinusulong na ng ilang mambabatas ang free medical checkup sa bansa sa lahat ng members sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Sa pamamagitan nito ay masisiguro na lahat ay may sapat na access na matugunan ang iniindang karamdaman o para malaman kung mayroon mang potential serious health condition ang isang tao.
Sa ilalim ng Universal Health Care Act, lahat ay automatic na member ng PhilHealth, at kailangan umano na kasama na sa benepisyo ng nasabing ahensya ang free medical checkups.
Ang paglalaan ng oras sa free medical checkups ay malaki ang maitutulong sa pagsalba ng buhay ng isang tao.
Sana maging mas seryoso ang gobyerno sa panukalang ito. Kalingain natin ang lahat ng mamamayan, anumang estado sa buhay.
Nakasalalay sa kalusugan ang isang maayos na pamayanan. Gamitin natin ang pondong mayroon tayo para maging maayos ang kalagayan ng bawat isa.
Napakalaking bagay na hindi na pinoproblema ng mag-anak kung saan kukuha ng panggastos.
Ilapit natin sa taumbayan ang serbisyong medikal nang wala nang pagsasakripisyo.